Great Hall of the People, Beijing – Sa kanyang pakikipag-usap Lunes, Setyembre 25, 2023 kay dumadalaw na Punong Ministro Pushpa Kamal Dahal "Prachanda" ng Nepal, inihayag ni Premyer Li Qiang ng Tsina ang kahandaan ng bansa na angkatin ang mas maraming de-kalidad na produktong agrikultural mula sa Nepal; himukin ang mga kompanyang Tsino na sumali sa pagdedebelop ng kakayahan ng Nepal sa produksyon, agrikultura, imprastruktura at iba pa; palakasin ang pagpapalitan at pagtutulungan sa edukasyon, medisina, turismo, at mga lokalidad; at walang humpay na palakasin ang pagpapalitang tao-sa-tao.
Kasama ng panig Nepales, nakahanda aniya ang panig Tsino na pataasin ang lebel ng konektibidad sa puwerto, pambansang lansangan, daambakal, abiyasyon, telekomunikasyon, koryente at iba pa, at pabilisin ang konstruksyon ng Trans-Himalayan Multi-Dimensional Connectivity Network.
Ipinaabot naman ni Prachanda ang pagbati sa matagumpay na pagtataguyod ng Tsina ng seremonya ng pagbubukas ng Ika-19 na Asian Games, at hinangaan ang napakalaking tagumpay ng pag-unlad ng kabuhaya’t lipunan at pagpapawi sa karalitaan ng Tsina.
Pinasalamatan din niya ang suporta ng Tsina sa pag-unlad ng kabuhaya’t lipunan ng Nepal at paglaban sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Nakahanda ang Nepal na palakasin ang pakikipagpalitan at pakikipagtulungan sa panig Tsino sa mga larangang gaya ng konektibidad ng imprastruktura, kalakalan, pamumuhunan, enerhiya, turismo at iba pa, saad niya.
Matapos ang pag-uusap, magkasamang sinaksihan ng mga punong minsitro ang paglagda sa mahigit 10 dokumento ng bilateral na kooperasyon sa kabuhaya’t kalakalan, agrikultura, siyensiya’t teknolohiya, paglalathala, ekonomiyang didyital, berde’t mababang karbong pag-unlad, inspeksyon at kuwarantenas, saklolong pangkaunlaran at iba pang aspekto.
Salin: Vera
Pulido: Rhio