Upang maipakita ang Pilipinas bilang pangunahing destinasyon ng mga direktang dayuhang puhunan o Foreign Direct Investment (FDI) at isang umuunlad na sentro ng turismo sa Asya, binuksan ngayong araw, Setyembre 27, 2023 sa Beijing, kabisera ng Tsina ang Philippine Investors’ Roadshow (PIR).
Sa kanyang naka-video na talumpati, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (PBBM), na ang Pilipinas at Tsina ay may napakahabang kasaysayan ng komersyo, at ang mga panauhin sa PIR ay mga patunay nito.
Noong 2022, ang Tsina aniya ang pinakamalaking kasosyo ng Pilipinas, at ang kabuuang halaga ng kalakalan ay umabot sa $US39 bilyong dolyar.
Ang Tsina rin aniya ang ikatlong pinakamalaking destinasyon ng mga produktong Pilipino, tulad ng mga elektroniko at semikonduktor, nikel, tanso, saging at pinya.
Ang mga iniluluwas na ito ay nagkahalaga ng mga $US11 bilyong dolyar noong nakaraang taon, saad ni Marcos Jr.
Pagdating naman sa pamumuhunan, ang Tsina aniya ay nananatiling isa sa mga pinakamahalagang katuwang ng Pilipinas, at ika-9 ang bansa sa mga pinakamalaking pinagmulan ng mga inaprubahang FDI noong 2022.
Video-talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Anang punong ehekutibo, ang pondo ng mga kompanyang Tsino ay nailagak sa mga larangang gaya ng aktibidad sa lupa, manupaktura, agrikultura, panggugubat, pangingisda, at marami pang iba.
Ang relasyon ng Pilipinas at Tsina ay may komong layunin, at ito ay mutuwal na benepisyo at komong pag-unlad, dagdag ni Marcos Jr.
Kaya naman, inimbitahan ng punong ehekutibo ang mga panauhin at kaibigang Tsino, na tingnan ang Pilipinas bilang primera klaseng lugar pangnegosyo dahil taglay nito ang maraming bentaheng tulad ng bata at edukadong lakas manggagawa; estratehikong lokasyon; mabuting insentibo sa buwis; mabilis, simple, at epsiyenteng proseso ng pag-aaplay ng negosyo; matibay at maaasahang kadena ng industriya at suplay; at marami pang iba.
Sinigurado rin ni Marcos Jr., na ipagkakaloob ng pamahalaang Pilipino ang lahat ng kinakailangang suporta at tulong sa mga kompanyang Tsinong maglalagak ng pondo sa Pilipinas.
Bagamat, nakamit ng Pilipinas ang makabuluhan at malalim na pag-unlad sa pagiging pangunahing destinasyong pampamumuhunan, naniniwala si Marcos Jr., na may malawak pa ring potensyal ang kooperasyon sa pagitan ng mga merkadong Pilipino at Tsino, at ito ay magdadala ng magkasamang paglago at pag-unlad-ekonomiko.
Ayon naman sa Philippine Trade and Investment Center sa Beijing (PTIC-Beijing), ilalahad ng PIR sa mga dayuhang mamumuhunan ang mga bentahe ng Pilipinas sa mga sektor na tulad ng renewable energy, telekomunikasyon, transportasyon, agribusiness, at turismo.
Bukod diyan, mayroon pa anitong ilang bagong batas ang Pilipinas, na lubos na nagpo-promote sa kaginhawahan sa pagpapatakbo ng negosyo.
Ang naturang roadshow ay mahusay na pagkakataon para sa mga kompanyang Tsino upang makilahok sa business-to-business (B2B) na pagtutugma, tungo sa pagkakaroon ng potensyal na mga kasosyo sa panig Pilipino, dagdag ng PTIC-Beijing.
Benito G, Techico (kaliwa) at Maynard S. Ngu (kanan), mga Espesyal na Sugo ng Pangulong Pilipino sa Republika ng Bayan ng Tsina para sa Kalakalan at Pamumuhunan, habang nagpapaliwanag tungkol sa mga bentaheng alok ng Pilipinas sa mga negosyanteng Tsino
Ang PIR ay tatakbo mula Setyembre 27 hanggang 28, 2023, at kabilang sa mga tampok nitong aktibidad ay direktang pagkikita at pag-uusap ng mga kompanyang Pilipino at Tsino.
Ito ay nasa magkasamang pagtataguyod ng mga kaukulang ahensya ng gobyernong pambansa ng Pilipinas, gaya ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI), Board of Investments (BOI), Philippine Economic Zone Authority (PEZA), Kagawaran ng Turismo (DOT), Kagawaran ng Transportasyon (DOTR), Kagawaran ng Kalikasan at Likas na Yaman (DENR), Kagawaran ng Pagsasaka (DA), Kagawaran ng Impormasyon at Teknolohiyang Komunikasyon (DICT), at Kagawaran ng Enerhiya (DOE).
Jaime FlorCruz, Embahador ng Pilipinas sa Tsina
May-akda: Rhio Zablan
Litrato: Kortesiya ni Martin Andanar
Patnugot sa teksto: Jade/Rhio
Patnugot sa website: Vera
Prinsesa ng Sulu, nasa Tsina: himlayan ng Pilipinong hari sa Dezhou, dinalaw
Team Philippines, opisyal ng kasama sa Asiad family sa maikling seremonya
Op-ed: Mekanismong tulad ng “G77 plus China” at BRI, nagpapasigla sa kooperasyong Sino-Pilipino
“Estante ng Librong Tsino,” itinayo sa Pambansang Aklatan ng Pilipinas