Global roadshow 'Journey Through Civilizations' ng CMG, inilunsad sa Peru

2023-09-28 15:53:49  CMG
Share with:

Ginanap Martes, Setyembre 26, 2023 sa National Museum of Archaeology, Anthropology and History sa Lima, kabisera ng Peru ang seremonya ng pagbubukas ng isang katangi-tanging roadshow na tinaguriang “Journey Through Civilizations,” na inilunsad ng China Media Group (CMG).

 


Inihayag ni Presidente Shen Haixiong ng CMG, na ang global roadshow ay pagtatanghal ng tradisyonal na sibilisasyong Tsino.

 

Aniya, inobatibong palalaganapin ng CMG ang sibilisasyong Tsino, palalakasin ang pandaigdigang pagpapalitang tao-sa-tao, at pasusulungin ang diyalogo ng mga sibilisasyon sa buong mundo.

 


Sinabi naman ni Haydee Victoria Rosas Chávez, Pangalawang Ministro ng Kultura ng Peru, na gamit ang pinakamodernong paraan ng siyensiya’t teknolohiya, ipinakikita ng Journey Through Civilizations ang sinaunang kasaysayan at kultura ng Tsina, at ipinagkakaloob sa mga mamamayan ng Peru ang pagkakataon para malalimang maunawaan ang sibilisasyong Tsino.

 

Inihahayag aniya ng eksibisyong ito ang mithiin ng dalawang bansa sa patuloy na pagpapalakas ng pagpapalita’t pagtutulungang kultural.

 

Umaasa siyang matatamo ng Peru at Tsina ang mas masaganang bunga sa pagpapalitang kultural sa hinaharap.

 

Bukod dito, sunud-sunod na bibiyahe sa mga Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong at Macao ng Tsina, Britanya, at Ehipto ang nabanggit na global roadshow.

 


Mahigit 100 panauhin na kinabibilangan ng mga opisyal ng pamahalaan ng Peru, kinatawan ng Pasuguang Tsino sa Peru, mga namamahalang tauhan ng mga pangunahing media sa lokalidad, mga arkeolohista at iba pa ang dumalo sa seremonya.

 

Ang Journey Through Civilizations ay itatanghal mula Setyembre 26 hanggang Oktubre 2, 2023.

 

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio