‘Two-state Solution,’ ipinagdiinan ng mga ministrong panlabas ng Tsina at Turkiye

2023-10-16 17:01:49  CMG
Share with:

Sa pag-uusap sa telepono, Linggo, Oktubre 15, 2023 nina Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina at Ministrong Panlabas Hakan Fidan ng Turkiye, sinabi ng panig Tsino, na ang paggamit ng karapatan sa pagtatanggol sa sarili ay dapat sumunod sa pandaigdigang makataong batas, at hindi dapat maging kapalit ng buhay ng mga inosenteng sibilyan.

 

Kailangan aniyang magtimpi ang mga nagsasagupaang panig, at agarang itigil ang digmaan.

 

Tinukoy ni Wang na batay sa katotohanan, ang mabisang pagpapatupad sa Resolusyon ng United Nations Security Council (UNSC) at “Two-state Solution” ay ang mga tanging lunas sa isyu ng Palestina.

 

Aniya, nakikipag-ugnayan at nakikipagkoordina ang panig Tsino sa iba’t-ibang kaukulang panig, upang pigilan ang paglawak ng bakbakan, at iwasan ang makataong trahedya.

 

Patuloy rin aniyang ipagkakaloob ng Tsina ang pangkagipitang makataong saklolo sa Gaza Strip, sa pamamagitan ng UN at mga bilateral na tsanel.

 

Kakatigan ng panig Tsino ang lahat ng sigasig na makakatulong sa pagpapatupad ng “Two-state Solution,” at pananatilihin ang pakikipag-ugnayan sa panig Turko sa usaping ito, diin ni Wang.

 

Ayon naman kay Hakan Fidan, ang pinakamahalaga ngayon ay agarang pagtitigil ng sagupaan, kasabay ng pagharap sa pangmalayuan at pangmatagalang solusyon sa isyu ng Palestina.

 

Ipinagdiinan niyang di-maisasagawa ang anumang solusyon na taliwas sa “Two-state Solution,” at hindi katanggap-tanggap sa panig Turko ang pagpaparusa ng Israel sa mga sibilyan sa Gaza Strip.

 

Kinakatigan din aniya ng Turkiye ang sigasig ng panig Tsino sa UNSC para maresolba ang nasabing usapin.

 

Kasama ng panig Tsino, nakahanda ang panig Turko na hanapin ang pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon, dagdag niya.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio