Sa kanyang pakikipag-usap Huwebes, Nobyembre 2, 2023 sa telepono kay Ayman Safadi, Pangalawang Punong Ministro at Ministrong Panlabas ng Jordan, sinabi ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina, na bilang tagapangulong bansa ng United Nations Security Council (UNSC) sa kasalukuyang buwan, nakahanda ang Tsina na mahigpit na makipag-ugnayan at makipagkoordina sa iba’t ibang panig na may kinalaman sa bakbakan ng Palestina at Israel, upang puspusang pasulungin ang pagtitipun-tipon ng UNSC ng mga komong palagay, at paglamig ng kalagayan sa lalong madaling panahon.
Saad ni Wang, mariing kinondena ng panig Tsino ang pag-atake sa mga refugee camp sa Gaza Strip.
Hinangaan din niya ang aktibong pagpapasulong ng Jordan sa talastasang pangkapayapaan sa pagitan ng Palestina at Israel nitong nakalipas na mahabang panahon, at pagsumite ng panukalang resolusyon hinggil sa sagupaan ng Palestina at Israel, sa ngalan ng mga bansang Arabe.
Sinusuportahan ng panig Tsino ang mahalagahang paninindigan ng mga bansang Arabe sa pagtigil-putukan at pangangalaga sa kapayapaan, dagdag ni Wang.
Pinasalamatan naman ni Safadi ang makatarungang paninindigan ng Tsina sa isyu ng Palestina at pagsuporta sa pagpapatibay ng resolusyon sa pangkagipitang espesyal na sesyon ng Pangkalahatang Asembleya ng UN.
Aniya, ang kapayapaan ay tanging pagpili, kinokondena ng Jordan ang lahat ng mga aksyong nakakasakit sa mga sibilyan, at ipinanawagan ang pagtigil-putukan sa lalong madaling panahon at paghahatid ng makataong materyales sa Gaza.
Kasama ng panig Tsino, nakahanda aniya ang Jordan na pasulungin ang pagpapatupad ng “two-state solution,” at ipagtanggol ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Salin: Vera
Pulido: Ramil