Pulong ng mekanismo ng diyalogo sa pagitan ng mga naghaharing partido ng Tsina at Rusya, binati nina Xi at Putin

2023-11-21 11:56:16  CMG
Share with:

Magkahiwalay na ipinadala Lunes, Nobyembre 20, 2023 nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya ang mga liham na pambati sa ika-10 pulong ng mekanismo ng diyalogo sa pagitan ng mga naghaharing partido ng dalawang bansa.

 

Sa kanyang liham, tinukoy ni Xi na ang pagpapalitan at pagtutulungan ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at United Russia party ay mahalagang bahagi ng relasyong Sino-Ruso sa makabagong panahon.

 

Umaasa aniya siyang gagawing pagkakataon ang kasalukuyang pulong, para ipakita ang responsibilidad at pananagutan ng malalaking bansa at malalaking partido, pasaganain ang nilalaman ng ugnayan ng dalawang partido sa makabagong panahon, likhain ang bagong kayarian ng institusyonalisadong pagpapalitan at pagtutulungan, at gawing mas malaking ambag sa pagpapasulong sa bilateral na relasyon sa makabagong panahon, pangangalaga sa katarungan ng daigdig, at pagbuo ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.

 

Saad naman ng liham ni Putin, nasa pinakamataas na antas ang komprehensibo, estratehiko, at kooperatibong partnership ng Rusya at Tsina.

 

Aniya, bilang mga naghaharing partido, isinasagawa ng United Russia party at CPC ang konstruktibong pagpapalitan sa mataas na antas, bagay na nakakapagpasulong sa mabilis na pag-unlad ng kooperasyon ng dalawang bansa sa maraming larangan.

 

Nananalig aniya siyang magiging makahulugan at konstruktibo ang kasalukuyang pulong, at ibayo pang makakapagpalalim ito ng mabungang kooperasyon ng Rusya at Tsina.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil