Pabilyon ng Pilipinas sa Ika-6 na CIIE, binuksan: produktong Pilipino, patok sa merkadong Tsino

2023-11-06 16:24:29  CMG
Share with:


Shanghai – Sa pagbubukas ngayong araw sa publiko, Nobyembre 6, 2023 ng Pabilyon ng Pilipinas sa Ika-6 na China International Import Expo (CIIE), sinabi ni Ceferino S. Rodolfo, Undersecretary ng Department of Trade and Industry (DTI), na napaka-importante ng pagsali ng Pilipinas sa CIIE dahil ang Tsina ay isa sa pinakamalaking merkado ng konsumo sa buong mundo.


Mga opisyal Pilipino sa pagbubukas ng Pabilyon ng Pilipinas

 

Dumarating aniya sa CIIE ang mga mamimili mula sa maraming bahagi ng Tsina kaya, napaka-inam na i-promote rito ng Pilipinas ang mga produktong panluwas ng bansa.

 

Mga mamimili at negosyanteng Tsino na dumadalaw sa Pabilyon ng Pilipinas

 

Dala ang mga pinakamahuhusay na produkto, ibabahagi aniya ng 20 eksibitor at eksporter na Pilipino, ang pinakamasasarap at pinaka-kaaya-ayang eksperiyensya para sa mga mamimiling Tsino.

 

Naniniwala si Rodolfo na may malaking potensyal at maipagkakaloob ng merkadong Tsino ang inaasam na pag-unlad at mabuting buhay sa mga magsasaka at manggagawang Pilipino.


Sa tulong nina Glenn Peñaranda, Trade Consul ng Pilipinas sa Shanghai at Ana Abejuela, Agricultural Counselor ng Pilipinas sa Beijing, ipinakilala ni Rodolfo ang mga tampok na produkto ng Pabilyon ng Pilipinas.

 

Kabilang sa mga ito ay kape ng Sultan Kudarat, produktong niyog, produkto ng Oishi, produkto ng Rebisco, saging chips, sariwang saging, naprosesong pagkain at tsitsirya, produktong isda ng Fisherfarm, at siyempre, ang pinakasentro ng promosyon ng Pilipinas – ang durian.

 

Mga produktong naka-eksibit sa Pabilyon ng Pilipinas

 

Sinabi nina Penaranda at Abejuela, na layon ng kanilang pagpapakilala sa CIIE, na iluwas sa Tsina ang mas marami pang produkto ng Pilipinas, at kasama na riyan ang pagpapalakas ng ugnayan sa mga kompanyang Tsino.

 

Ang mga ito anila ay lilikha ng mas maraming trabaho, magpapabuti sa buhay ng maraming magsasaka at trabahanteng Pilipino, at susuporta sa agrikultura ng bansa.

Samantala, binigyang-diin ni Rodolfo, na ang Pilipinas ang pangunahing pinagmumulan ng saging sa Tsina.

 

“Numero unong ina-angkat na prutas nila ang saging, kung bolyum ang pag-uusapan. Pagdating naman sa value, durian ang pinakamalaki nilang inaangkat  na sariwang prutas,” saad niya.

 

Kaya, napakahalaga ani Rodolfo ang kasunduang nalagdaan ng dalawang bansa noong dumalaw sa Tsina si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa unang bahagi ng taong ito.

 

“Iyon ang dahilan ng pagpasok ng sariwang durian ng Pilipinas sa merkadong Tsino,” kuwento niya.

 

Dagdag ni Rodolfo, puspusang nagtatrabaho ang Kagawaran ng Agrikultura (DA) para agarang makapasok na rin sa Tsina ang frozen durian at iba pang agrikultural na produkto.

 

Mula sa kaliwa: Glenn Peñaranda, Ceferino Rodolfo, at Ana Abejuela

 

Bukod diyan, sinusubukan at ipinapatikim na rin aniya sa merkadong Tsino ang prutas na “marang,” at organikong langis ng niyog mula sa Palawan upang malaman kung ito ay tatangkilikin din ng mga kaibigang Tsino, tulad ng durian.

 

“Habang pumapasok tayo [sa merkadong Tsino], tuluy-tuloy rin ang pagdedebelop ng iba pang adisyonal na produktong maari pang ipakilala sa Tsina. Kaya ang bitbit natin din ay hindi lamang mga produkto, kundi pati na rin iyong pangarap para sa mabuting buhay ng mga magsasaka, mangingisda at trabahanteng Pilipino,” dagdag ni Rodolfo.

 

Pagdating naman sa mga kasunduan sa pagitan ng mga kompanyang Pilipino at Tsino, sinabi ni Abejuela na marami nang mga napirmahang kasunduan sa pagbili ng durian, saging, pinya at buko, at sa lalong madaling panahon ay isasapubliko ang eksaktong halaga ng mga ito.

 

Sa aktuwal na Foreign Direct Investment (FDI), sinabi ni Rodolfo, na pumipili na ng mga lokasyon sa Pilipinas ang mga kompanyang Tsinong nais maglagak ng puhunan, lalo na sa larangan ng renewable na enerhiya, teknolohiya, pagmimina, pagkain at marami pang iba.

 

Ito ang ika-anim na sunod na pagsali ng Pilipinas sa taunang CIIE.

 

Ulat/Larawan: Rhio Zablan at Ernest Wang

 

Patnugot sa teksto: Jade

 

Patnugot sa website: Vera