Pagpasok ng kompanyang Pilipino sa merkadong Tsino, suportado ng Ministri ng Komersyo ng Tsina at International Trade Centre ng WTO

2023-11-09 15:58:53  CMG
Share with:



Shanghai – Sa panayam ngayong araw, Nobyembre 9, 2023, sa China Media Group Serbisyo Filipino (CMG-SF), sinabi ni Paolo Pacheco, Operations Manager ng Organix Solutions Inc., na inimbitahan siya ng International Trade Centre ng World Trade Organization (ITC-WTO) para makilahok sa Ika-6 na China International Import Expo (CIIE).

Maliban diyan, nagkaroon din aniya siya ng oportunidad na sumali sa pagsasanay na itinaguyod naman ng Academy for International Business Officials (AIBO) ng Ministri ng Komersyo ng Tsina.


Paolo Pacheco


Saad ni Pacheco, ang imbitasyon ng ITC-WTO at pagsasanay na ibinigay ng AIBO ay malaking tulong sa kanyang kompanya dahil ito’y nagbigay ng kaukulang paghahanda  para sa Ika-6 na CIIE, at nagkaloob ng mas malinaw na pang-unawa sa merkadong Tsino at mga pangangailangan upang makapasok dito.

Sa pamamagitan ng Ika-6 na CIIE, nagbigyan aniya siya ng pagkakataon na humanap ng mga oportunidad sa Tsina upang magpalawak ng negosyo.

“At kung maibebenta ang aming mga produkto rito, maipagpapatuloy ang paggawa ng mga ito at matutulungang umunlad ang buhay ng mga magsasakang pinagkukunan ng mga hilaw na materyal,” paliwanag niya.

Aniya pa, ang pagbubukas ng merkadong Tsino sa mga produktong Pilipino ay  nagbukas din ng oportunidad para sa kanyang kompanya upang ibahagi sa mga mamimiling Tsino ang napakabuting pangkalusugang benepisyong hain ng organikong langis ng niyog.

Ayon naman kay Carol Ong, May-ari ng Bebebalm Inc. at Tagapagtatag ng Philippine Chamber of Business and Professionals in Shanghai, itinatanghal sa Ika-6 na CIIE ang pinakamahusay na mga produkto at serbisyo ng buong mundo.

 

Carol Ong

Ito aniya napakalaking karangalan at tulong sa kanyang kompanya dahil nagkaroon siya ng pagkakataon na irepresenta ang Pilipinas, at ipakita ang pinakamagagaling na produktong mula sa bansa.

Dagdag niya, maliban sa mangga, durian, at buko, ang Pilipinas ay mayroon ding napaka-inam na mga produkto sa pangangalaga sa balat.

Kaya naman, ang Ika-6 na CIIE ay may malaking positibong papel sa pagpapakita sa mundo na marami pang mai-aalok na produkto ang Pilipinas.

Ang pagpasok sa merkadong Tsino ng maliliit at katamtamang-laking kompanyang Pilipino ay mag-eenkorahe aniya sa iba pang katulad na kompanya upang subukang magluwas ng kanilang mga produkto sa bansa.

Ito ay makakatulong sa pagpapa-unlad ng buhay ng maraming magsasakang nagpoprodyus ng mga hilaw na materyal, ani Ong.

 

Ulat/larawan/video: Rhio Zablan at Ernest Wang

Patnugot sa teksto: Jade

Patnugot sa website: Sarah