Pagpapalakas ng pagtitiwalaang pulitikal, diyalogo at kooperasyon sa EU, ipinanawagan ni Xi

2023-12-07 16:23:08  CMG
Share with:

Sa kanyang pakikipagtagpo Disyembre 7, 2023 sa Beijing kina Presidente Charles Michel ng European Council at Presidente Ursula von der Leyen ng European Commission, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na sa ilalim ng kasalukuyang maligalig na kalagayang pandaigdig, may estratehikong kahulugan at impluwensiyang pandaigdig ang relasyon ng Tsina at Unyong Europeo (EU), at ito ay may kinalaman sa kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng daigdig.

 

May responsibilidad aniya ang kapuwa panig sa magkasamang pagkakaloob ng mas maraming katatagan sa mundo, at pagbibigay ng mas malaking lakas-panulak tungo sa kaunlaran.

 

Diin ni Xi, ang kasalukuyang taon ay ika-20 anibersaryo ng pagkakatatag ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng Tsina at EU.

 

Kaya, sa bagong simula ng relasyong Sino-EU, dapat aniyang lagumin ng magkabilang panig ang karanasang historikal, samantalahin ang agos ng daigdig, at igiit ang tamang katayuan ng komprehensibo’t estratehikong partnership.

 

Dapat maging magkatuwang at magkooperasyon ang Tsina at EU tungo sa mutuwal na kapakinabangan, walang humpay na palakasin ang pagtitiwalaang pulitikal, patibayin ang ugnayan ng kapakanan, alisin ang iba’t-ibang hadlang, at palakasin ang diyalogo’t kooperasyon, para ihatid ang benepisyo sa mga mamamayan ng kapuwa panig, dagdag ni Xi.

 

Ipinanawagan din niya ang magkasamang pagharap sa mga hamon, at kapit-bisig na pasulungin ang katatagan at kasaganaan ng daigdig.

 


Kapuwa naman inihayag ng mga lider ng EU ang pagpapahalaga sa relasyon sa Tsina.

 

Sinabi rin nilang hindi nararapat maputol ang ugnayang ito.

 

Umaasa silang mapapa-unlad ang pangmalayuan, matatag, at maaasahang relasyong may sustenableng pag-unlad.

 

Anila, nakahanda ang EU na pabutihin ang pakikipag-ugnayan at pakikipagkoordina sa Tsina, ipagtanggol ang multilateralismo, pangalagaan ang mga simulain ng Karta ng United Nations, at pasulungin ang pagresolba sa mga mainit na isyung panrehiyon na gaya ng Ukraine at Gitnang Silangan.

 

Salin: Vera

 

Puldio: Rhio