Tsina sa Pilipinas: itigil ang pagpapalaki ng alitang pandagat

2023-12-15 15:22:29  CMG
Share with:


Kaugnay ng walang pahintulot na pagpasok kamakailan ng mga bapor ng Pilipinas sa dagat na nakapaligid sa Ren’ai Jiao, at paglalayag ng ilang tauhang militar ng Pilipinas sa ilegal na sumasadsad na bapor-pandigma sa Ren’ai Jiao, inulit Biyernes, Disyembre 15, 2023 ni Tagapagsalita Zhang Xiaogang ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina ang di-mapapabulaanang soberanya ng Tsina sa Nansha Qundao na kinabibilangan ng Ren’ai Jiao, at dagat na nakapaligid dito.

 

Aniya, ang sinadyang probokasyon at pagpapalaki ng kalagayan ng panig Pilipino ay malubhang lumalabag sa diwa ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, at grabeng nakakasira rin sa kapayapaan at katatagan ng South China Sea.

 

Iniharap na aniya ng militar na Tsino ang solemnang representasyon sa panig Pilipino, at inihayag din ang mariing protesta rito.

 

Dagdag niya, masama rin ang tangka ng iilang bansa sa labas ng rehiyon na sulsulan ang kontradiksyon at manggulo sa rehiyon.

 

Hinimok aniya ng Tsina ang kaukulang bansa na agarang itigil ang paglapastangan sa soberanya at probokasyon, para maiwasan ang ibayo pang paglala ng kalagayan.

 

Patuloy na isasagawa ng Tsina ang kinakailangang hakbangin, upang buong tatag na ipagtanggol ang teritoryo, soberanya, at karapata’t kapakanang pandagat.

 

Salin: Vera


Pulido: Ramil