Mula Disyembre 19 hanggang 20, 2023, idinaos sa Beijing ang taunang Central Rural Work Conference (CRWC), upang i-plano ang mga priyoridad sa gawaing pangkanayunan at rural sa 2024.
Sa kanyang paglalahad ng mga patnubay sa pulong, ipinagdiinan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na dapat itayo ang ideolohiya ng modernong agrikultura at panlahatang saklaw na paraan sa pagkuha ng pagkain, at buuin ang dibersipikadong sistema ng suplay ng pagkain.
Kumpara sa tradisyonal na agrikultura, malawakang ginagamit ng modernong agrikultura ang modernong agham at teknolohiya, pamaraanan ng produksyong ipinagkakaloob ng modernong industriya, at siyentipikong paraan ng pangangasiwa.
Ito’y kumakatawan sa pinakabagong yugto ng agrikultura.
Ang panlahatang saklaw na paraan sa pagkuha ng pagkain ay tumutukoy sa pagkakamit ng kaloriya at protina mula sa mga halaman, hayop at mikro-organismo sa bukirin, damuhan, kagubatan at karagatan, at komprehensibong paggagalugad ng yaman ng pagkain sa iba’t-ibang paraan.
Ito ay isa sa mahahalagang nilalaman ng pagpapasulong ng Tsina ng agricultural supply-side structural reform.
Bilang isa sa mga bansang may pinakamaraming populasyon, sa mula’t mula pa’y ipinapauna ng naghaharing partido ng Tsina ang paggarantiya sa produksyon ng pagkaing-butil at suplay ng mahahalagang produktong agrikultural.
Ang mga hakbangin sa pagpapalawak ng produksyon ng karneng-baka, karne ng tupa at gatas; pagpapataas ng kalidad pag-unlad ng industriya ng pangingisda; at iba pa ay mga konkretong hakbangin sa panlahatang saklaw na paraan sa pagkuha ng pagkain.
Salin: Vera
Pulido: Rhio