Artikulo ng NDAA kaugnay ng Tsina, kinondena ng NPC

2023-12-28 14:40:57  CMG
Share with:

Kaugnay ng pagsasabatas kamakailan ng Amerika sa National Defense Authorization Act (NDAA) for Fiscal Year 2024 na may negatibong nilalaman hinggil sa Tsina, inihayag, Disyembre 27, ni Tagapagsalita Xu Dong ng Komite ng mga Suliraning Panlabas ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina ang mariing pagkondena at matatag na pagtutol ng panig Tsino.

 

Saad ni Xu, minamanipula ng nasabing batas ang isyung may kinalaman sa Taiwan; ikinakalat ang estratehikong kompetisyon laban sa Tsina; ini-imbento ang umano’y “banta ng Tsina;” at pinapasulong ang di-umano’y “alis-panganib” sa mga masusing larangan ng Tsina.

 

Ito ay hindi lamang pakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina, malubhang nakakapinsala sa kapakanan ng soberanya, seguridad at kaunlaran ng bansa, kundi malubhang tumataliwas din sa mga komong palagay na narating ng mga lider ng Tsina at Amerika sa pagtatagpo sa San Francisco, aniya.

 

Diin ni Xu, ang isyu ng Taiwan ay pinakanukleong interes ng Tsina, sandigan ng pundasyong pulitikal ng relasyong Sino-Amerikano, at unang pulang linyang hindi dapat tawirin sa relasyong Sino-Amerikano.

 

Di-katanggap-tanggap sa mga mamamayang Tsino ang anumang tangka ng paghihiwalay ng Taiwan mula sa Tsina, aniya.

 

Sinabi pa ni Xu, na ang NDAA for Fiscal Year 2024 ay bulag sa katotohanan; nagpapayo ng “decoupling o disrupsyon sa kadena ng suplay at industriya;” at nagsasapulitika ng mga isyung pangkabuhayan, pangkalakalan, pansiyensiya’t panteknolohiya, at pangkultura.

 

Ang ganitong tangka aniya ay sinasadyang paghadlang sa normal na pagpapalitan at pagtutulungan ng Tsina at Amerika, at tumataliwas sa mithiin ng mga mamamayan, lumalabag sa katarungan, at di-angkop sa kapakanan ng anumang panig.

 

Ani Xu, hinihimok ng panig Tsino ang panig Amerikano na itakwil ang kaisipan ng cold war, zero-sum, at ideolohikal na pagkiling; huwag ipatupad ang mga negatibong artikulong may kinalaman sa Tsina sa nasabing batas; at itigil ang pagsasagawa ng mga mapanganib na kilos sa isyung may kinalaman sa soberanya at nukleong kapakanan ng Tsina.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio