Pagpapalakas ng komunikasyon at koordinasyon, napagkasunduan ng Tsina’t Ehipto

2024-01-15 17:01:27  CMG
Share with:

Cairo, Ehipto - Sa pakikipagtagpo, Enero 14, 2024 ni Pangulong Abdel-Fattah al-Sisi ng Ehipto kay Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, sinabi ng panig Tsino, na nasa pinakamagandang lebel ang relasyong Sino-Ehipto dahil sa pamumuno ng mga lider ng dalawang bansa.

 

Nananalig aniya siyang matatamo ng Ehipto ang mas malaking tagumpay sa pagsasakatuparan ng kaunlaran at pag-ahon ng bansa.

 

Ipinaabot din niya ang pagbati ng panig Tsino sa muling panunungkulan ni Abdel-Fattah al-Sisi bilang pangulo ng Ehipto.

 


Sa kabilang dako, inihayag naman ni Abdel-Fattah al-Sisi ang pagbati sa natamong tagumpay ng Tsina sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Xi Jinping.

 

Hanga aniya siya sa patuloy na paghalaga ng papel ng Tsina sa mga suliraning pandaigdig.

 

Inulit niyang sa mula’t mula pa’y iginigiit ng Ehipto ang simulaing isang-Tsina, at tinututulan ang pakikialam ng ibang bansa sa mga suliraning panloob ng Tsina.

 

Nagpasalamat naman si Wang sa suporta ng Ehipto sa lehitimong paninindigan ng panig Tsino.

 

Aniya, sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Abdel-Fattah al-Sisi, matatag ding sinusuportahan ng Tsina ang pagtahak ng mga Ehipsyano sa landas ng pag-unlad na angkop sa sariling bansa.

 

Nakahanda ang Tsina na gawing pagkakataon ang ika-10 anibersaryo ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng dalawang bansa, tungo sa pagpapalakas ng sinerhiya ng mga estratehiyang pangkakunlaran ng kapuwa panig, pasulungin ang pagtatamo ng mas maraming bunga ng pragmatikong kooperasyon, at kapit-bisig na pag-ibayuhin ang sariling modernisasyon, dagdag ni Wang.

 

Sumang-ayon ang dalawang opisyal, na patuloy na palakasin ang komunikasyon at koordinasyon, sa ilalim ng mga balangkas na gaya ng BRICS at United Nations (UN), at nagpalitan ng kuru-kuro hinggil sa kalagayan ng Palestina at Israel.

 

Sa kabilang dako, nag-usap din nang araw ring iyon ang mga ministrong panlabas ng dalawang bansa, at lumagda sila sa ika-2 panlimahang taong plano sa pagpapatupad ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng Tsina at Ehipto.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio