Ika-8 pulong ng China-Philippines Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea, ginanap

2024-01-18 16:08:28  CMG
Share with:

Shanghai, Tsina – Sa pangungulo nina Nong Rong, Asistenteng Ministrong Panlabas ng Tsina at Theresa Lazaro, Pangalawang Kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, ginanap, Enero 17, 2024 ang ika-8 pulong ng China-Philippines Bilateral Consultation Mechanism (BCM) on the South China Sea (SCS).

 

Matapat at malalimang nagpalitan ng kuru-kuro ang magkabilang panig, tungkol sa kalagayan ng SCS at iba pang isyung pandagat.

 

Kapuwa nilang ipinalalagay na dapat tunay na ipatupad ang mga komong napagkasunduan ng mga lider ng dalawang bansa sa mga isyung pandagat.

 

Ipinagdiinan din nilang ang kapayapaan at katatagan ng SCS ay angkop sa komong kapakanan ng Tsina at Pilipinas, at ito rin ay komong target ng iba’t-ibang bansa sa rehiyon.

 


Anila, ang alitan sa karagatang ito ay hindi kumakatawan sa kabuuan ng bilateral na relasyon ng dalawang bansa, at ang pagpapanatili ng pag-uugnayan at diyalogo ay napakahalaga para sa pangangalaga ng kapayapaan at katatagang pandagat.

 

Sumang-ayon ang dalawang panig na i-optimisa ang mekanismo ng pag-uugnayang may kinalaman sa dagat; patuloy na pangasiwaan at maayos na kontrolin ang mga kontradiksyon at alitang may kinalaman sa dagat, sa pamamagitan ng mapagkaibigang negosasyon; mahinahong hawakan ang mga pangkagipitang pangyayari sa dagat, lalong-lalo na, ang pagkontrol sa kalagayan ng Ren’ai Jiao; at walang humpay na pasulungin ang pragmatikong kooperasyon sa dagat, upang likhain ang magandang kondisyon para sa malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Pilipino.

 

Iniharap din ng panig Tsino ang solemnang representasyon sa panig Pilipino, kaugnay ng isyu ng Taiwan, at hiniling sa panig Pilipino na sundin ang prinsipyong isang-Tsina, at agarang itigil ang maling pananalita at aksyon sa mga isyung may kinalaman sa Taiwan.

 

Inulit naman ng panig Pilipino ang paggigiit sa prinsipyong isang-Tsina, at patuloy na pagsuporta rito.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio