Itinaguyod Miyerkules, Enero 17, 2024 ng Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas ang media party para sa bagong taong 2024.
Kasali rito ang mahigit 300 panauhin mula sa pamahalaan, kongreso, mga pamahalaang lokal, iba’t ibang media, think tank, at sirkulo ng komersyo ng Pilipinas at mga kinatawan ng overseas Chinese.
Itinanghal sa nasabing aktibidad ang mga litrato hinggil sa usapin ng pagpawi sa karalitaan sa lunsod Ningde, lalawigang Fujian ng Tsina, at mga produkto’t serbisyo ng mga kompanyang Tsino.
Isinahimpapawid din ang video na nagsasalaysay ng pagbuo ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan at de-kalidad na kooperasyon ng Belt and Road.
Sa ilalim ng mapagkaibigan at maligayang atmospera, magkakasamang kinanta ng mga diplomatang Tsino at mga personahe ng mga medyang Pilipino ang awiting “Kaibigan,” sa kapuwa lengguwaheng Tsino’t Filipino.
Aktibong nakisangkot ang mga panauhin sa makukulay na palaro at paligsahang pangkaalaman sa nasabing aktibidad, at nagpahayag ng kani-kanilang pananabik at magandang pagbati sa malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Pilipino.
Sa kanyang post sa social media pagkatapos ng aktibidad, sinabi ni Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas, na ang suporta mula sa mga kasaling kaibigan ay nakapagpatingkad ng mahalagang papel para sa pagpapahigpit ng pag-uunawaan ng dalawang bansa, at nakapaglatag din ng tulay sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.
Habang sinasalubong ang taong 2024, buong pananabik na inaasahan natin ang bagong kabanata ng kooperasyon ng media, at pagsagana ng bilateral na relasyon, dagdag ni Huang.
Salin: Vera
Pulido: Ramil
Photo source: Facebook page ni Embahador Huang Xilian