Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas: pinto ng pakikipagdiyalogo at pakikipag-ugnayan sa panig Pilipino, hindi isasara

2023-12-21 19:15:42  CMG
Share with:

Sinabi kamakailan ni Senator JV Ejercito, na ayon sa ulat-intelihensya, ilang Pilipino ang binibigyan ng pera ng pamahalaang Tsino, upang lumikha ng gulo sa bansa.

 

Sa kabilang dako, ilang personahe mula sa iba’t-ibang sirkulo ng Pilipinas ang nanawagan kamakailan sa pamahalaan na resolbahin ang alitan sa South China Sea sa pamamagitan ng diyalogo.

 

Kaugnay nito, sinabi, Disyembre 20, 2023 ng tagapagsalita ng Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas na nitong nakalipas na panahon, patuloy na pinalalaki ng ilang pulitiko at opisyal-Pilipino ang alitan ng Tsina at Pilipinas sa karagatan, batay sa personal na kapakanang pulitikal.

 

Sinisira din aniya nila ang reputasyon ng Tsina; sinisikil ang mga personaheng naninindigan sa pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas; walang batayang binabatikos ang normal na pagtupad ng tungkulin ng organong diplomatiko ng Tsina; at higit sa lahat, ikinakalat ang ideya ng digmaang panrehiyon at pandaigdig.

 

Anang tagapagsalita, ang ganitong iresponsableng pananalita ay nagpapasidhi ng kalagayan sa South China Sea, nakakalason sa atmospera ng ugnayang Sino-Pilipino, at nakakasira sa sigasig ng kapuwa panig para resolbahin ang alitan sa pamamagitan ng diplomatikong diyalogo.

 

Ang mapagkaibigang kooperasyon ng Tsina at Pilipinas ay angkop sa pundamental na kapakanan ng dalawang bansa, at nagpapakita ng komong hangarin ng mga mamamayan, aniya pa.

 

Samantala, palagi aniyang naninindigan at nagpupunyagi ang Tsina sa maayos na pagkontrol sa alitang pandagat sa pamamagitan ng diyalogo’t negosasyon, at hinding-hindi nito isasara ang pinto ng pakikipagdiyalogo at pakikipag-ugnayan sa Pilipinas.

 

Umaasa ang panig Tsino na mataimtim na pakikinggan ng panig Pilipino ang panawagan ng mga personaheng may pangmalayuang pananaw sa loob ng bansa, susundin ang mithiin ng karamihan sa mga mamamayan ng dalawang bansa, totohanang ipapatupad ang komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, at magkasamang pangangalagaan ang pangkalahatang kalagayan ng relasyong Sino-Pilipino at kapayapaa’t katatagan ng South China Sea, dagdag niya.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio