Anumang probokasyon sa isyu ng Taiwan, tiyak na tatapatan ng ganti – Ministring Panlabas ng Tsina

2024-01-18 16:56:45  CMG
Share with:

Kaugnay ng komento ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina sa sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa Taiwan, inihayag ni Kalihim Pandepensa Gilberto Teodoro, na ang pahayag na ito ay insulto sa pangulo at Pilipinas.

 

Bilang tugon, tinukoy, ngayong araw, Enero 18, 2024 ni Tagapagsalita Mao Ning ng nasabing ministri na ang prinsipyong isang-Tsina ay pulang linya at pundasyong hanggahan ng Tsina.

 

Ang anuman aniyang probokasyon hinggil sa isyu ng Taiwan ay di-katanggap-tanggap sa panig Tsino, at tiyak itong tatapatan ng ganti.

 

Sinabi niyang ang pananalita ng panig Pilipino ay malubhang lumalabag sa prinsipyong isang-Tsina at komunike ng pagtatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Pilipinas, lubhang sumasalungat sa pangakong pulitikal ng Pilipinas sa Tsina, at walang pakundangang pakikialam sa suliraning panloob ng Tsina.

 

Lehitimo at kinakailangan ang nasabing pahayag ng Tsina, saad ni Mao.

 

Hinimok din niya ang panig Pilipino na totohanang sundin ang diwa ng nabanggit ng komunike, sundin ang prinsipyong isang-Tsina, at itigil ang maling pananalita at aksyon sa isyung may kinalaman sa Taiwan.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio