Geneva, Switzerland - Pinagtibay Biyernes, Enero 26, 2024 ng Universal Periodic Review (UPR) Working Group ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) ang rekomendasyon sa Tsina para dumalo sa ika-4 na round ng UPR.
Kaugnay nito, inihayag ni Chen Xu, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa Tanggapan ng UN sa Geneva at ibang organisasyong pandaigdig sa Switzerland, na komprehensibong pinapasulong ng kanyang bansa ang dakilang usapin ng pagtatatag ng malakas na bansa at pag-ahon ng nasyon, sa pamamagitan ng modernisasyong Tsino.
Aniya, sa proseso ng pagsasakatuparan ng nasabing target, ihahatid ng bansa ang mas maraming benepisyong dulot ng modernisasyon sa lahat ng mga mamamayan sa pamamagitan ng mas makatarungang paraan, walang humpay na patataasin ang lebel ng paggarantiya sa karapatang pantao, at pasusulungin ang malaya’t komprehensibong pag-unlad ng mga indibiduwal.
Kasabay ng pagpapasulong sa de-kalidad na pag-unlad ng sariling usapin ng karapatang pantao, palagiang iginigiit ng Tsina ang mapayapang pag-unlad at win-win na kooperasyon, at iminumungkahi ang pantay at maayos na multi-polarisasyon ng mundo at ekonomikong globalisasyon na may unibersal na benepisyo at pagbibigayan, dagdag ni Chen.
Diin niya, kasama ng komunidad ng daigdig, nakahanda ang Tsina na buong tatag na pasulungin at pangalagaan ang karapatang pantao, aktibong sumali sa pandaigdigang pangangasiwa sa karapatang pantao, palaganapin ang komong kahalagahan ng buong sangkatauhan, pasulungin ang pagbuo ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan, at magkasamang itatag ang mas magandang daigdig.
Salin: Vera
Pulido: Ramil