Sa sidelines ng Munich Security Conference na ginanap sa Alemanya mula Pebrero 16 hanggang 18, 2024, ipinangako Sabado, Pebrero 17, nina Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina at Ministrong Panlabas Stephane Sejourne ng Pransya ang pagpapalakas ng koneksyon sa mataas na antas at pagpapabuti ng pagpapalitang tao-sa-tao ng dalawang bansa.
Sa kasalukuyang taon, ipinagdiriwang ang ika-60 anibersaryo ng ugnayang diplomatiko ng dalawang bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni Wang na handang panatilihin ng Tsina ang mataas na lebel na koneksyon sa Pransya, at kasama ang Pransya, maghahanda ito para sa bagong kabanata ng mga pulong sa ilalim ng tatlong mekanismo ng mataas na lebel na diyalogo, na kinabibilangan ng estratehikong diyalogo, ekonomiko’t pinansyal na diyalogo, at diyalogo sa pagpapalitang tao-sa-tao.
Handa rin aniya ang Tsina na mag-angkat ng mas maraming de-kalidad na produktong agrikultural mula sa Pransya.
Umaasa si Wang na ipagkakaloob ng panig Pranses ang patas, maliwanag, at paborableng kapaligirang pangnegosyo para sa mga kompanyang Tsino sa Pransya.
Samantala, sinabi ni Sejourne, na nakahanda ang panig Pranses na gawing pagkakataon ang ika-60 kaarawan ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, upang palakasin ang pagpapalitan sa mataas na antas, at palawakin ang kooperasyon sa iba’t-ibang larangang gaya ng kabuhaya’t kalakalan, kultura, pagpapalitang tao-sa-tao, at turismo.
Salin: Vera
Pulido: Rhio