Sa kanyang pakikipagtagpo, Pebrero 18, 2024 sa Vienna, Austria kay Homeland Security Secretary Alejandro Mayorkas ng Amerika, ipinanawagan ni Wang Xiaohong, Ministro ng Pampublikong Seguridad ng Tsina, ang paggagalangan at kooperasyon sa pagpapatupad ng batas.
Hinimok niya ang panig Amerikano na itigil ang walang batayang pagliligalig at pag-iimbestiga sa mga estudyanteng Tsino sa Amerika; igarantiya ang pagtatamasa ng dignidad at pantay na trato ng mga Tsino sa pagpasok sa Amerika; isagawa ang mga totohanan at mabisang hakbangin sa paggarantiya ng kaligtasan ng mga tauhan ng mga konsulado’t organong diplomatiko ng Tsina sa Amerika; kanselahin ang limitasyon sa visa sa mga kaukulang organo’t tauhang Tsino; at iwasto ang maling aksyon ng paglakip sa Tsina sa mga pangunahing bansang pinanggagalingan ng droga.
Umaasa rin si Wang, na maaalis ang mga hadlang sa kooperasyon ng dalawang bansa sa pagpapatupad ng batas laban sa droga at pagpapalitang tao-sa-tao.
Samantala, sumang-ayon ang kapuwa panig na ipatupad ang mahahalagang komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, panatilihin ang diyalogo’t kooperasyon sa paglaban sa droga at pagpapatupad ng batas, pahalagahan ang pagkabahala ng isa’t-isa, maayos na resolbahin ang mga problema, at gawin ang ambag tungo sa matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano.
Salin: Vera
Pulido: Rhio