Pulong ng mga ministrong panlabas ng G20, kumakatig sa “two-state solution”

2024-02-23 12:22:48  CMG
Share with:

Natapos kahapon, Pebrero 22, 2024 sa Rio de Janeiro, Brazil, ang dalawang araw na pulong ng mga ministrong panlabas ng Group of 20 (G20).


Sa news briefing pagkatapos ng pulong, ipinahayag ni Mauro Vieira, Ministrong Panlabas ng Brazil, na halos lahat ng mga kalahok na kinatawan ay kumakatig sa “two-state solution” para lutasin ang isyu ng Palestina at Israel.


Sinabi ni Vieira na ikinababahala ng mga kalahok na kinatawan ang sagupaan sa pagitan ng Palestina at Israel at mga panganib na dulot ng paglaganap ng sagupaan sa mga karatig na bansa.


Aniya, ipinahayag din ng maraming kalahok na kinatawan ang pagtutol sa operasyon ng Israel ng pag-atake sa Rafah ng Palestina at nanawagan sila sa pamahalaang Israeli na agarang itigil ang operasyong ito.


Ayon kay Vieira, tinalakay din sa pulong ang mga isyu ng pandaigdigang pangangasiwa at ipinalalagay ng mga kalahok na kinatawan na dapat isagawa ang reporma sa mga pangunahing pandaigdigang organisasyong gaya ng United Nations, World Trade Organization, World Bank at International Monetary Fund, para matugunan ang mga pandaigdigang hamon.


Samantala, ipinatalastas ni Vieira na ang susunod na pulong ng mga ministrong panlabas ng G20 ay idaraos sa darating na Setyembre.


Dumalo din sa pulong na ito ang 45 delegasyon ng mga miyembro ng G20, mga panauhing bansa at pandaigdigang organisasyon at naging kasalukuyang tagapangulong bansa ang Brazil ng G20 mula noong Disyembre 1, 2023.


Salin: Ernest

Pulido: Ramil