Pagpapalakas ng pandaigdigang pagsusuperbisa sa pagtapon ng Fukushima nuclear wastewater sa dagat, pinaninindigan ng Tsina

2024-03-05 15:35:02  CMG
Share with:

Binuksan, Marso 4, 2024 sa Vienna, Austria ang pulong ng board of governors ng International Atomic Energy Agency (IAEA).

 

Sa kanyang talumpati sa pulong, inilahad ni Li Song, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa IAEA, ang simulain at paninindigan ng Tsina sa isyu ng pagtapon ng Hapon ng nuklear na kontaminadong tubig ng Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant sa dagat.

 

Ipinagdiinan niya ang paninindigan ng Tsina sa pagpapalakas ng pandaigdigang pagsusuperbisa sa Hapon.

 


Saad ni Li, sa kabila ng pagtutol ng mga nakapaligid na bansa at pagkabahala ng komunidad ng daigdig, di-awtorisadong itinapon na ng Hapon ang lampas sa 23,000 toneladang nuklear na kontaminadong tubig sa dagat, at pinasimulan ang ika-4 na pangkat ng pagtatapon noong nagdaang linggo.

 

Aniya, ang ganitong kilos ng panig Hapones ay nagbunsod ng malubhang epekto sa pandaigdigang sistema ng seguridad na nuklear, at ang paggamit nito ng pag-endorso ng IAEA ay grabeng nakapinsala sa kredibilidad ng organong ito.

 

Tinukoy ni Li na palagian at malinaw ang paninindigan ng Tsina: buong tatag na tinututulan ang pagtatapon ng Hapon ng nuclear wastewater sa dagat, at mariing hinihimok ang Hapon na itigil ang pagtatapon sa dagat.

 

Diin niya, hinimok ng Tsina ang panig Hapones na seryosong pakitunguan ang pagkabahala sa loob at labas ng bansa, komprehensibong koordinahan ang pagtatatag ng pangmalayuan, independiyente, at mabisang pagsubaybay sa internasyonal na mga kaayusan na may aktibong pagsali ng mga kapitbansa at ibang mga stakeholder, totohanang resolbahin ang lehitimong pagkabahala ng mga kapitbansa, maayos na hawakan ang Fukushima nuklear na kontaminadong tubig, at pigilan ang pagkapinsala sa pandaigdigang kapaligirang pandagat at kalusugan ng sangkatauhan.

 

Kasama ng iba’t ibang panig, nakahanda ang Tsina na patuloy na palakasin ang pag-uugnayan at pagtutulungan, at walang humpay na palakasin ang pandaigdigang pagsusuperbisa sa Hapon, dagdag ni Li.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil