Pagpasok ng bapor ng PCG sa karagatan ng Ren’ai Jiao, kinondena ng Tsina

2024-03-05 20:11:42  CMG
Share with:

Kaugnay ng insidente ng banggaan ng bapor ng Tsina at Pilipinas sa South China Sea, ipinahayag Marso 5, 2024 ni Mao Ning, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na inilahad na ng tagapagsalita ng China Coast Guard (CCG) ang mga kalagayan hinggil dito.

 

Sa parehong araw, dalawang bapor ng Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang dalawang bapor-pangkargamento ay iligal na pumasok sa karagatan ng Ren’ai Jiao ng Nansha Qundao ng Tsina, para maghatid ng mga suplay na kinabibilangan ng materyal sa konstruskyon, sa BRP Sierra Madre, na iligal na nakasadsad sa lugar.

 

Ani Mao, batay sa batas, isinagawa ng CCG ang mga katugong hakbangin at ang mga aksyon nito ay propesyonal, mapagtimpi, at makatuwiran.

 

Aniya pa, iniharap na ng Ministring Panlabas ng Tsina ang solemnang representasyon at matinding protesta sa Pilipinas.

 

Idiniin ni Mao na palagi at maliwanag ang paninindigang Tsino sa isyu ng Ren’ai Jiao, at kamakailan, napanatili ng Tsina at Pilipinas ang pag-uugnayan hinggil sa maayos na paghawak sa kalagayan ng Ren’ai Jiao.

 

Subali’t muli aniyang lumabag ang Pilipinas sa pangako nito sa Tsina at nagsawaga ng panghihimasok, probokasyon at pagkalikha ng gulo sa karagatan ng Ren’ai Jiao.

 

Ito ay malubhang nakapinsala sa soberanya ng teritoryo at karapatan at kapakanang pandagat ng Tsina, dagdag ni Mao.

 

Muli aniyang hinihimok ng panig Tsino ang panig Pilipino na itigil ang panghihimasok at probokasyon sa dagat, at huwag gumawa ng anumang aksyong posibleng makagulo sa kalagayang pandagat, saad niya.

 

Inulit ni Mao na patuloy na pangangalagaan ng panig Tsino ang sariling soberanya ng teritoryo at karapatan at kapakanang pandagat batay sa domestiko at pandaigdigang batas.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio