Sa kanyang pagdalaw sa Pilipinas, pinuna ni Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika, ang mga aksyon ng Tsina sa South China Sea (SCS) at inulit niya ang mga nakasaad sa Artikulo 4 ng Mutual Defense Treaty (MDT) ng Amerika at Pilipinas.
Kaugnay nito, ipinahayag ngayong araw, Marso 20, 2024 ng tagapagsalita ng Embahadang Tsino sa Pilipinas, na hindi Tsina ang dahilan ng pag-igting ng kalagayan sa SCS kamakailan.
Diin niya, walang responsibilidad ang Tsina sa kalagayang ito.
Bilang tugon sa probokasyon at panghihimasok, napilitan aniyang gamitin ng panig Tsino ang mga kinakailangang hakbangin para pangalagaan ang sariling teritoryo, soberanya at karapatan.
Ang pananalita ni Blinken ay walang basehan at pagbubulag-bulagan sa katotohanan, saad ng tagapagsalita.
Sinabi pa niyang, ang mga hakbang ng panig Tsino sa SCS ay pawang lehitimo at legal, samantalang ang pag-uulit ni Blinken sa Artikulo 4 ng nasabing MDT ay pagbabanta sa Tsina.
Matatag aniya itong tinututulan ng panig Tsino.
Sinabi pa ng tagapagsalita, na palagi at nananatiling malaya ang paglalayag sa SCS, at layon ng pahayag ng Amerika hinggil sa di-umano’y pangangalaga sa malayang paglalayag, ay igarantiya ang pagsasagawa ng mga despotikong gawain ng kanilang mga bapor-pandigma sa SCS.
Ipinapadala aniya ng Amerika ang mga barko at eroplano de giyera sa SCS para gumawa ng probokasyon at takutin ang Tsina, at ito ay maliwanag na hegemonismo.
Kaya, ang tunay na banta sa katatagan at kapayapaan ng SCS ay ang Amerika.
Ipinahayag din ng tagapagsalita, na ang Amerika ay hindi kasangkot sa isyu ng SCS at walang kapangyarihang makialam sa isyung pandagat ng Tsina at Pilipinas.
Aniya, ang kasalukuyang maigting na kalagayan sa SCS ay may malaking kinalaman sa pagsuporta ng Amerika sa Pilipinas, at pagkilala ng Amerika sa pagtitipon ng ilang bansa para suportahan ang Pilipinas sa pamamagitan lamang ng salita.
Ang MDT ay bunga ng Cold War at ang kooperasyong militar ng Amerika at Pilipinas ay hindi dapat makapinsala sa soberanya at karapatang pandagat ng Tsina sa SCS, dagdag ng tagapagsalita.
Hinihiling aniya ng panig Tsino sa Amerika na huwag manggulo at manulsol sa isyu ng SCS dahil patuloy na gagamitin ng Tsina ang lahat ng kinakailangang hakbangin para matatag na ipagtanggol ang sariling soberanya, teritoryo at karapatan at kapakanang pandagat, at pangalagaan ang katatagan at kapayapaan sa SCS.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio