Idiniin Miyerkules, Marso 20, 2024 ni Chen Xu, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa Tanggapan ng United Nations (UN) sa Geneva at ibang mga pandaigdigang organisasyon, na dapat itaguyod at pangalagaan ang karapatang pantao sa pamamagitan ng konstruktibong diyalogo at kooperasyon.
Sa ika-55 sesyon ng UN Human Rights Council, pinuna ni Chen ang pagsasapulitika at instrumentalisasyon ng isyu ng karapatang pantao sa isang magkasanib na pahayag na inilabas sa ngalan ng Group of Friends on the Promotion of Human Rights through Dialogues and Cooperation.
Inulit din ng nabanggit na magkasanib na pahayag ang tatlong mungkahi hinggil sa gawain ng Human Rights Council.
Una, paggigiit sa katarungan at pagkakapantay-pantay, pagsunod sa mga layunin at prinsipyo ng Karta ng UN, pagtutol sa pakikialam sa mga suliraning panloob ng mga kasaping bansa sa pangangatuwiran ng karapatang pantao, at agarang pagtigil sa mga unilateral at sapilitang hakbangin.
Ikalawa, paggigiit sa pagbubukas at pagbibigyan, pagganap ng konstruktibong papel para sa pagpapasulong ng diyalogo at kooperasyon sa pundasyon ng pagkakapantay-pantay, at paggalang sa isa’t isa, pagpapalawak ng komong palagay sa pamamagitan ng diyalogo at pagpapalitan, at magkasamang pangangalaga at pagpopromote sa karapatang pantao sa pamamagitan ng kapayapaan, seguridad, komong pag-unlad, diyalogo at pagtutulungan.
Ikatlo, pagigiit ng obdiyektibidad at walang pinapanigan, pagsasagawa batay sa tumpak at obdiyektibong impormasyon, paggalang sa soberanya at kalayaang pampulitika ng lahat ng mga bansa, paggalang sa pagpili ng mga bansa sa sariling landas ng pag-unlad ng karapatang pantao batay sa sariling kalagayan, at pagkakaloob ng teknikal na tulong at pabuo ng kapasidad batay sa mga pangangailangan at kagustuhan ng mga bansa.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil