Boao, lalawigang Hainan sa timog Tsina - Sa kanyang keynote speech sa plenaryo ng pagbubukas ng Taunang Pulong ng Boao Forum for Asia (BFA) Huwebes, Marso 28, 2024, inihayag ni Zhao Leji, Tagapangulo ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongreso Bayan (NPC), punong lehislatura ng Tsina, na igigiit ng bansa ang estratehiya ng innovation-driven development, pasusulungin ang inobasyong industriyal sa pamamagitan ng inobasyong pansiyensiya’t panteknolohiya, at pabibilisin ang pagpapaunlad ng makabagong kalidad na produktibong puwersa.
Aniya, dadaong ang Tsina sa pandaigdigang alituntuning pangkabuhaya’t pangkalakalan sa mataas na pamantayan, at bubuuin ang primera klaseng kapaligiran ng pamumuhunan.
Ang pamumuhunan sa Tsina ay nangangahulugan ng pamumuhunan sa kinabukasan, at patuloy na pasisiglahin ang napakalaking potensyal ng malaking merkado ng bansa, dagdag niya.
Nanawagan siya sa mga bansang Asyano na magbuklud-buklod, para magkasamang tutulan ang unilateralismo at ekstrimistikong egotismo, itakwil ang komprontasyon sa pagitan ng magkakaibang kampo, at pigilan ang pagkakaroon ng arena para sa labanang heopolitikal ng rehiyon at daigdig.
Nanawagan din siya sa mga bansang Asyano na tutulan ang proteksyonismong pangkalakalan, pagbabakod, at lahat ng porma ng paghihiwalay.
Salin: Vera
Pulido: Rhio