Xi Jinping at Joe Biden, nag-usap sa telepono

2024-04-03 08:00:08  CMG
Share with:

Sa pag-uusap sa telepono, gabi ng Abril 2, 2024 nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Joe Biden ng Amerika, sinabi ng pangulong Tsino, na ang isyu ng estratehikong persepsyon ay palaging pundamental na isyu ng relasyong Sino-Amerikano.

 

Hinggil dito, iniharap ni Xi ang tatlong prinsipyo ng pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano sa taong 2024.

 

Una, pagpapahalaga sa kapayapaan: kailangan aniyang igiit ng dalawang bansa ang pagkilala sa bottom line ng kapuwa panig, hindi pagsasagupaan at komprontasyon; at pagpapataas sa positibong pag-asa ng pag-unlad sa relasyon ng dalawang bansa.

 

Ikalawa, pagpa-priyoritisa sa katatagan: hindi aniya dapat gamitin ng dalawang panig ang anumang probokasyon at pagtawid sa hanggahan para maigarantiya ang katatagan ng bilateral na relasyon.

 

Ikatlo, pagsunod sa mga pangako: sinabi ni Xi, na kailangang gamitin ng dalawang panig ang aktuwal na aksyon para isakatuparan ang kani-kanilang pangako, lalung-lalo na ang mga komong palagay na narating sa pagtatagpo noong Nobyembre 2023 sa San Francisco.

 

Sinabi rin ni Xi, na ang isyu ng Taiwan ay unang pulang linya sa relasyong Sino-Amerikano, na hindi dapat matawid.

 

Umaasa aniya siyang isasakatuparan ng panig Amerikano ang pangako na hindi pagsuporta sa pagsasarili ng Taiwan sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon.

 

Kaugnay ng pagbibigay-dagok ng Amerika sa mga kompanyang Tsino, sinabi ni Xi, na para magkaroon ng kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, palagi’t nananatiling bukas ang pinto ng Tsina, at kung magmamatigas ang Amerika sa pagkontrol sa mga kompanyang Tsino, siguradong gagamitin aniya ng panig Tsino ang mga katugong hakbangin.

 

Inilahad din ni Xi ang paninindigang Tsino sa mga isyung gaya ng Hong Kong, karapatang pantao at South China Sea (SCS).

 

Samantala, inulit naman ni Biden ang mga pangako niya na kinabibilangan ng hindi pagsasagawa ng bagong cold war, hindi pagpipilit baguhin ang sistema ng Tsina, hindi pagmamanipula sa Tsina sa pamamagitan ng pagpapalakas ng relasyon sa mga kaalyadong bansa, hindi pagsuporta sa pagsasarili ng Taiwan, at hindi pagbabalak ng sagupaan sa Tsina.

 

Sumang-ayon ang dalawang pangulo na isaayos ang mga detalye ng pagdalaw ni Kalihim ng Tesorarya Janet Yellen at Kalihim ng Estado Antony Blinken sa Tsina sa malapit na hinarahap.

 

Tinalakay din nila ang krisis ng Ukraine at kalagayan ng Korean Peninsula.

 

Inatasan ng mga pangulo ang kanila-kanilang grupo na pasulungin ang pagsasanggunian sa diplomasya, kabuhayan, pinansya’t komersyo, at pag-uugnayan sa pagitan ng mga hukbo ng dalawang bansa.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio