(Updated)Xi Jinping at Olaf Scholz, nagtagpo

2024-04-16 16:20:24  CMG
Share with:

Nagtagpo ngayong araw, Abril 16, 2024 sa Beijing sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina, at Olaf Scholz, Chancellor ng Alemanya.

 

Idiniin ni Xi na nananatiling matatag at sustenable ang patakaran ng Tsina sa Alemanya at mahalagang katuturan ang pagpapatatag at pagpapasulong ng relasyon ng dalawang bansa.

 

Tinukoy ni Xi na malaki ang nakatagong lakas ng kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan ng dalawang bansa sa mga larangan na gaya ng manupaktura, kotse, berdeng pag-unlad, didyital at AI.

 

Saad ni Xi na palagiang iginigiit ng Tsina ang patakaran ng pagiging bukas sa labas at umaasa aniya siyang ipagkakaloob ng Alemanya ang pantay, transparent, bukas at di-diskriminatoryong kapaligiran ng komersyo para sa mga bahay-kalakal ng Tsina.

 

Inihayag naman ni Scholz na malalim ang kanyang impresyon sa mahigpit at mainam na kooperasyon ng sektor ng bahay-kalakal ng dalawang bansa.

 

Saad niya na kasama ng Tsina, nakahanda ang Alemanya na pahigpitin ang bilateral na relasyon, palalimin ang diyalogo at kooperasyon ng dalawang bansa sa iba’t ibang larangan.

 

Sinabi pa niyang hindi sinusuportahan ng Alemanya ang komprontasyon at salungatan, tinututulan ang proteksyonismo, at kinakatigan ang malayang kalakalan.

 

Nakahanda aniya ang Alemanya na pasulungin ang mainam na pag-unlad ng relasyon ng Unyong Europeo (EU) at Tsina.

 

Tinalakay nila ang krisis ng Ukraine na kapwa nila pinahahalagahan at buong sikap na sinusunod ang layunin at prinsipyo ng Karta ng United Nations, tinututulan ang paggamit ng sandatang nuklear at pag-atake sa mga nuklear na pasilidad na pansibilyan.

 

Nagpalitan din sila ng palagay hinggil sa sagupaan ng Israel at Palestina. Ipinalalagay nilang dapat isakatuparan ang resolusyon bilang 2728 ng United Nations Security Council para mapigilan ang paglala ng kalagayan ng lokalidad at maigarantiya ang sustenableng pagpasok ng mga makataong materiyales sa Gaza Strip.


Salin: Ernest

Pulido: Ramil