Kaugnay ng “Six-monthly Report on Hong Kong,” na inilabas kamakailan ng Britanya, ipinahayag, Abril 16, 2024 ni Lin Jian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na seryosong hinimok ng panig Tsino ang Britanya na itigil ang pakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina at itigil ang pagtanggap at pakikipagsabawatan sa mga kriminal at tauhang nakapinsala sa kaayusan ng Hong Kong at pambansang seguridad ng Tsina.
Sinabi ni Lin na nagbubulag-bulagan at sinasalamangka ng nasabing ulat ang katotohanan para makialam sa Hong Kong at suliraning panloob ng Tsina.
Ito aniya ay malubhang lumalabag sa prinsipyo ng pandaigdigang batas at pundamental na prinsipyo ng pandaigdigang relasyon, kaya lubos na ikinalulungkot at matatag na tinututulan ng panig Tsino ang nasabing ulat.
Ipinahayag ni Lin sa sapul nang bumalik ang Hong Kong sa inangbayan, komprehensibo at mataimtim na isinasakatuparan ng pamahalaang Tsino ang prinsipyong isang bansa, dalawang sistema para mas mainam na maigarantiya ang mga karapatan at kalayaang tinamasa ng mga residenteng lokal batay sa batas.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio