Sanhi ng kasalukuyang situwasyon sa Ren’ai Jiao, napakalinaw – MOFA

2024-04-11 16:51:01  CMG
Share with:

Kaugnay ng pananalita kamakailan ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr., ipinagdiinan Huwebes, Abril 11, 2024 ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang Ren’ai Jiao ay bahagi ng Nansha Qundao ng Tsina, at may di-mapapabulaanang soberanya ang Tsina sa Nansha Qundao at nakapaligid na rehiyong pandagat na kinabibilangan ng Ren’ai Jiao.

 

Saad ni Mao, palagiang nagpupunyagi ang Tsina sa pagkontrol sa situwasyon ng Ren’ai Jiao, sa pamamagitan ng diyalogo’t negosasyon sa panig Pilipino, at napakalinaw ang sanhi ng kasalukuyang situwasyon sa Ren’ai Jiao.

 

Kung tunay na nais ng Pilipinas na pahupain ang kalagayan ng Ren’ai Jiao sa pamamagitan ng diyalogo’t pag-uugnayan, dapat sundin nito ang pangako at mga komong palagay, at ihinto ang probokasyon, dagdag niya.

 

Muli rin niyang inilahad ang malinaw na paninindigan ng Tsina sa paraan ng paghawak sa kasalukuyang kalagayan:

 

Una, matagal nang nakasadsad sa Ren’ai Jiao ang bapor-pandigma ng Pilipinas. Ito ay hindi lamang lumalapastangan sa soberanya ng Tsina, kundi lumalabag din sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), partikular, sa ika-5 artikulo hinggil sa di-pagtira sa walang taong pulo at batuhan.

 

Kaya, hinihiling aniya ng panig Tsino sa panig Pilipino na agarang panumbalikin ang dating situwasyon ng walang habitasyon at instalasyon sa Ren’ai Jiao.

 

Ika-2, kung kailangang magkaloob ang Pilipinas ng pang-araw-araw na suplay sa pamumuhay para sa mga nakatira sa nakasadsad na bapor-pandigma, nakahandang pahintulutan ng panig Tsino ang paghahatid ng mga supaly, makaraan ang maagang pagpapaalam sa panig Tsino, at pagsusuri sa mga ihahatid.

 

Samantala, susuperbisahin ng panig Tsino ang buong proseso ng paghahatid.

 

At ika-3, hinding-hindi tatanggapin ng panig Tsino ang pagpapadala ng panig Pilipino ng maraming materyales para sa pagkukumpuni at pagpapatibay, at pagtatangkang itayo ang permanenting instalasyon at pangmalayuang outpost.

 

Matatag aniyang hahadlangan ang ganitong kilos alinsunod sa batas at mga alituntunin, upang ipagtanggol ang soberanya ng Tsina at alituntunin ng DOC.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio