Op-Ed: CIIE, platapormang nagbibigay-pagkakataon sa Tsina’t Pilipinas na magkasamang magtamasa ng kaunlaran

2022-11-10 15:05:12  CMG
Share with:

 

Sa seremonya ng pagbubukas ng Ika-5 China International Import Expo (CIIE), Nobyembre 4, 2022, sa lunsod Shanghai, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na layon ng pagdaraos ng CIIE na buksan sa labas ang merkado ng Tsina, at sa kasaluyan, ang CIIE ay isa nang mahalagang plataporma sa pagpapasulong ng de-kalidad na pagbubukas sa labas at mahalagang produktong pampubliko para sa buong daigdig.

 

Ayon sa datos, lumahok sa Ika-5 CIIE ang 145 bansa, rehiyon, organisasyong pandaigdig, at 284 na kompanyang kabilang sa Fortune Global 500.

 

May USD$73.52 bilyong halaga ang tentatibong kasunduan sa produkto’t serbisyo na napirmahan.

 

Ang bilang na ito ay mas mataas ng 3.9% kumpara sa Ika-4 CIIE.

 

Bukod dito, 438 bagong produkto, teknolohiya at serbisyo ang isinapubliko sa ika-5 CIIE.

 

Samantala, mula una hanggang Ika-4 na CIIE, umabot naman sa USD$270 bilyon ang halaga ng mga nalagdaang kasunduan.

 

Dahil dito, masasabing ang CIIE ay mahalagang puwersa ng pag-unlad ng kabuhayan at kalakalan ng daigdig.

 

Sa kasalukuyan, kinakaharap ng mundo ang mga hamong gaya ng implasyon, pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) at heopolitikal na sagupaan, kaya matumal ang pagbangon ng kabuhayan.

 

Bilang tugon, ang pagdaraos ng CIIE ay mainit na tinatanggap ng mga kompanya ng iba’t ibang bansang tulad ng Pilipinas.

 

Sapul nang magsimula ang CIIE noong 2018, walang palyang lumalahok ang bansa.

 

Sa Ika-5 CIIE, lumahok ang 63 kompanyang Pilipino at umabot sa mahigit USD$6 milyon ang halaga ng pagluluwas ng naturang mga kompanya sa Tsina.

 

Naging pinakamataas sa kasaysayan ng paglahok ng Pilipinas sa CIIE ang kapuwa bilang ng mga kalahok na kompanya at halaga ng napirmahang kasunduan.

 

Noong 2021 CIIE, umabot sa USD$597.34 milyon ang onsite export sales ng Pilipinas, na tumaas ng 29.3% kumpara noong 2020 na nagkahalaga lamang ng USD$462 milyon.

 

Samantala, USD$389.70 milyon at USD$124 milyon naman ang naabot ng bansa sa ikalawa at unang CIIE, ayon sa pagkakasunod.

 

Makikita rito ang patuloy na paglaki ng kita ng mga kompanyang Pilipino dulot ng CIIE.

 

Kaugnay nito, optimistiko ang Pilipinas sa kinabukasan ng relasyong pangkalakalan sa Tsina.


  Josel F. Ignacio, Consul General ng Pilipinas sa Shanghai

Sa kanyang talumpati sa Ika-5 CIIE, ipinahayag ni Josel F. Ignacio, Consul General ng Pilipinas sa Shanghai, na nilikha ng Tsina ang makasaysayang pagbabago at naging isang napakasaganang lipunan.

 

Sa kabilang dako, ang Pilipinas ay isa sa mga pamilihang pinakamabilis lumalaki sa buong mundo, kaya puno ng kompiyansa si Ignacio sa patuloy na pagsagana ng ugnayan ng dalawang bansa sa taong 2023, lalo na sa larangan ng cross-border na kalakalan at business-to-business engagement.

 

Kaugnay nito, inihayag ni Xi sa katatapos na Ika-20 Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), na palagiang iginigiit ng kanyang bansa ang pundamental na patakaran ng pagbubukas sa labas, estratehiya ng win-win na situwasyon, at mutuwal na kapakinabangan.

 

Sinabi rin niyang ang pag-unlad ng Tsina ay magiging bagong pagkakataon para sa buong daigdig.

 

Dahil dito, ang CIIE ay hindi lamang mahalagang hakbangin ng Tsina sa pagbubukas sa labas at pagpapalalim ng kooperasyong panlabas, ito rin ay mahalagang plataporma kung saan magkakasamang natatamasa ng Tsina, Pilipinas at iba pang mga bansa ng pagkakataong pangkaunlaran.


Sulat: Ernest

Pulido: Rhio/Jade