CMG Komentaryo: Amerika, pangunahing hadlang sa kapayapaan sa Gaza Strip

2024-04-22 14:34:42  CMG
Share with:

Bilang pirmihang kasaping bansa ng United Nations Security Council (UNSC), ibineto, Abril 18, 2024 ng Amerika ang panukala hinggil sa pagtanggap sa Palestina bilang pormal na kasaping bansa ng UN.

 

Ito ay hindi lamang hadlang sa pagsasakatuparan ng “two state solution,” na siyang daan sa pagiging indipendiyenteng estado ng Palestina, kundi nagpapakita rin ng doble-istandard ng Amerika sa nasabing isyu.

 

Maliban diyan, ipinakikita rin ng aksyong ito ang hindi pagganap ng sapat na papel ng Amerika para itigil ang aksyong militar sa Gaza Strip.

 

Sapul nang sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng Palestina at Israel noong Oktubre 2023, ipinalalagay ng komunidad ng daigdig na kung tatanggapin ng UN ang pagsapi ng Palestina bilang pormal na kasaping bansa, matatamasa nito ang pantay na katayuan sa Israel, at ito ay makakabuti sa paglikha ng kondisyon para sa talastasang pangkapayapaan ng dalawang panig.

 

Pero ang pagbeto ng Amerika sa naturang panukala ay taliwas sa hangarin at pagsisikap ng Palestina at komundad ng daigdig.

 

Sa kasalukuyan, hindi pa tapos ang sagupaan ng Palestina at Israel at patuloy pa ring lumalala ang humanitaryong krisis sa Gaza Strip.

 

Kaugnay ito, inihayag, Abril 19 ng departamento ng kalusugan ng Gaza Strip, na mahigit 34 libong Palestino ang namatay sa aksyong militar ng Israel, samantalang halos 77 libong iba pa ang nasugatan.

 

Sa kabilang dako, hindi nagkakaloob ng sapat na makataong tulong ang Amerika sa Gaza Strip, sa halip patuloy pa itong nagbibigay ng mga sandata at kagamitang militar sa Israel.

 

Dahil dito, masasabing ang unilateral na pagkatig ng Amerika sa Israel ay pinakamalaking hadlang sa prosesong pangkapayapaan sa pagitan ng dalawang panig.


Salin: Ernest

Pulio: Rhio