Tsina sa Amerika: itigil ang pagsasalita hinggil sa kalagayan ng karapatang pantao ng ibang bansa

2024-04-24 15:56:15  CMG
Share with:


Kaugnay ng paglabas kamakailan ng Kagawaran ng Estado ng Estados Unidos ng 2023 Country Reports on Human Rights Practices, inihayag Martes, Abril 23, 2024 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina ang mariing kawalang kasiyahan at matatag na pagtutol dito ng panig Tsino.

 

Aniya, lipos ng kasinungalingang pulitikal at ideolohikal na pagkiling ang mga nilalaman sa nasabing ulat na may kinalaman sa Tsina.

 

Dapat itigil aniya ng panig Amerikano ang pagsasalita hinggil sa kalagayan ng karapatang pantao ng ibang bansa, at ihinto ang tikis na pakikialam sa mga suliraning panloob at paglapastangan sa karapatang pantao ng ibang bansa, sa katuwiran ng karapatang pantao at demokrasya.

 

Saad ni Wang, ang nasabing umanong “ulat sa karapatang pantao” ay nagbabahagi ng kung anu-ano sa kalagayan ng karapatang pantao ng halos 200 bansa’t rehiyon sa buong mundo, pero hindi binanggit ang sariling kalagayan.

 

Kung tunay na pinahahalagahan ng Amerika ang mga karapatang pantao, dapat tumpak na pakitunguhan at maayos na resolbahin ang mga domestikong problema na gaya ng gun violence, pagmamalabis sa droga, pagtatanging panlahi, pagyurak sa karapatang pantao at dignidad at iba pa.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil