CMG Komentaryo: Ugnayang Sino-Amerikano, tunay na bubuti kung mareresolba ang isyu ng estratehikong rekognisyon

2024-04-28 15:20:31  CMG
Share with:

Sa kanyang pakikipagtagpo, Abril 26, 2024 sa Beijing kay Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na dapat maging magkatuwang ang Amerika at Tsina, sa halip na magkalaban; dapat magtulungan ang dalawang bansa upang hangarin ang tagumpay, sa halip na pagpinsala sa isa’t-isa; dapat hanapin ang landas na maaring magkasamang tahakin, habang isinasa-isantabi ang pagkakaiba, sa halip na masamang kompetisyon; at dapat sundin ang sariling pangako, sa halip ng pagtaliwas sa sariling pananalita.

 

Inulit naman ng panig Amerikano ang ilang pangakong pulitikal sa Tsina, at inihayag ang pag-asang mapapanatili ang pakikipag-ugnayan sa panig Tsino, mataimtim na ipapatupad ang mga komong palagay na narating ng mga lider ng dalawang bansa sa San Francisco, at pasusulungin ang matatag na pag-unlad ng relasyong Amerikano-Sino.

 

Ang isyu ng estratehikong rekognisyon ay ang ugat ng pagresolba sa mga isyu ng relasyong Sino-Amerikano.

 

Kung ituturing na kooperatibong partner ng Amerika ang Tsina, kapuwa makikinabang ang dalawang bansa, at makakapaghatid ito ng mas maraming katatagan at katiyakan sa buong daigdig.

 

Sa kabilang banda, kung laging gagawing pangunahing kalaban ng Amerika ang Tsina, madalas lilitaw ang mga problema sa bilateral na relasyon.

 

Sapul nang magtagpo ang mga lider ng Tsina at Amerika sa San Francisco noong nagdaang Nobyembre, tumatatag sa kabuuan ang bilateral na relasyon, at isinagawa ng magkabilang panig ang isang serye ng mga diyalogo at kooperasyon, sa mga larangang gaya ng diplomasya, kabuhaya’t kalakalan, pagpapatupad ng batas, agrikultura, ugnayan ng mga hukbo, at iba pa.

 

Kahit may pagbuti ang relasyong Sino-Amerikano, dumaragdag pa rin ang mga negetibong elementong gaya ng madalas na pagpapalaki ng isyu ng umano’y “overcapacity” ng bagong enerhiya ng Tsina, pagpapatibay ng foreign aid bill na may kinalaman sa Taiwan ng Tsina, pagdungis sa isyu ng karapatang pantao sa Xinjiang, pagbuo ng “maliit na grupo” sa Asya-Pasipiko upang kubkubin ang Tsina at iba pa.

 

Lahat ng mga ito ay nagbunsod ng malaking negatibong epekto sa bilateral na relasyon.

 

Sa katatapos na pagdalaw ni Blinken sa Tsina, muling hinimok ng panig Tsino ang panig Amerikano na pag-isipan ang katayuan ng relasyong Sino-Amerikano, at itakwil ang pagkakaloob ng sandata sa Taiwan.

 

Ipinagdiinan din ng panig Tsino na hindi maipagkakait ang karapatang pangkaunlaran sa mga mamamayang Tsino.

 

Kung tunay na gusto ng Amerika na responsableng pangasiwaan ang relasyon sa Tsina, dapat pakinggan nito ang kahilingan ng Tsina, at ipatupad ang mga nabanggit sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon.

 

Ang pagwawasto ng maling pag-unawa sa Tsina, at tumpak na pakikitungo sa pag-unlad ng Tsina ay dapat maging priyoridad ng Amerika para mapabuti ang ugnayan sa Tsina.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio