Kamakailan ay madalas ang panggugulo ng Pilipinas sa South China Sea (SCS), at walang humpay nitong nilalabag ang karapatan ng Tsina sa nakapaligid na rehiyon ng Ren’ai Jiao ng Nansha Qundao, at tuluy-tuloy na ikinakalat ang mga pekeng impormasyon para siraan ang Tsina.
Samantala, inuudyukan, sinusuportahan at kinokoordina ng Amerika ang mga probokasyon ng Pilipinas, at binabatikos ang Tsina sa pamamagitan ng pagbaligtad sa tama at mali.
Bilang “tanging treaty ally” ng Pilipinas sa buong mundo, may mahalagang impluwensiya ang Amerika sa usaping ito.
Nitong nakalipas na mahabang panahon, malinaw na sinusuportahan ng Amerika ang ilegal na aktibidad ng Pilipinas sa Ren’ai Jiao, at mas malawak na rehiyon ng SCS.
Tumutulong din ito upang mapalakas ng Pilipinas ang sariling kakayahan upang labanan ang Tsina.
Inu-udyukan at sinusuportahan ng Amerika ang pagkumpuni at pagpapatibay ng Pilipinas sa sinadyang-isadsad na BRP Siera Madre sa Ren’ai Jiao, at ipinadala ang mga eroplano’t bapor-pandigma upang koordinahin ang mga aksyon ng Pilipinas.
Bukod pa riyan, ine-endorso ng Amerika ang mga probokatibong kilos ng Pilipinas, at higit sa lahat, paulit-ulit nitong binabantaan at ginigipit ang Tsina, sa katuwiran ng Mutual Defense Treaty.
Samantala, pinapalaki ng mga media at think tank ng Amerika ang isyu ng Ren’ai Jiao, at walang batayang binabatikos ang Tsina.
Ang Project Myoushu ay isa sa mga klasikong halimbawa.
Ang proyektong ito ay pinangangasiwaan ng Stanford University, at pinatatakbo ng mga miyembrong may military background ng Amerika.
Sa pamamagitan ng social media, inilabas ng Project Myoushu ang mga pekeng impormasyon, at sinasadyang bahiran ng malisya ang mga normal na aktibidad ng mga bapor-Tsino sa SCS.
Sa pangmalayuang pananaw, ang isyu ng SCS ay trump card ng Amerika upang sikilin ang pag-unlad ng Tsina.
Nitong nakalipas na ilang taon, ikinalat ng Washington ang umano’y “banta sa kalayaan ng paglalayag sa South China Sea,” at sinulsulan ang mga bansa sa rehiyon, upang bigyan ng katuwiran ang pag-udyok nito ng komprontasyong panrehiyon.
Sa kabila ng lahat ng ito, di-magbabago ang katotohanan na ang Ren’ai Jiao ay bahagi ng Nansha Qundao ng Tsina.
Hinding-hindi mababago ng mga paglapastangan sa karapatan at probokasyon ng Pilipinas ang katotohanang ito, at hinding-hindi rin mapagtatakpan ng mga manipulasyon ng Amerika ang katotohanan.
Ang South China Sea ay hindi “safari park” ng mga bansa sa labas ng rehiyon, at hindi ito dapat maging “fighting arena” ng kompetisyon ng malalaking bansa.
Kailangang aktibong pasulungin ng Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang negosasyon ng Code of Conduct in the South China Sea, matatag na tutulan ang pakikialam ng puwersa sa labas ng rehiyon, at iskamay ng mga bansa sa rehiyon ang inisyatiba at pamumuno sa pagresolba sa isyu ng SCS.
Salin: Vera
Pulido: Rhio