Sa kanyang liham na pambati, ngayong araw, Mayo 22, 2024 para sa Ika-14 na China-U.S. Tourism Leadership Summit, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na ang kasalukuyang taon ay ika-45 anibersaryo ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Amerika.
Aniya, ang turismo ay mahalagang tulay ng pagpapalitan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Kaya, winewelkam aniya ng Tsina ang paglalakbay ng mga turistang Amerikano, para makipagkaibigan sa mga Tsino, at maramdaman ang kultura, magandang tanawin at tunay na kalagayan ng Tsina.
Umaasa rin siyang gagawing pagkakataon ng iba’t-ibang sirkulo ng dalawang bansa ang kasalukuyang summit, upang malalimang makipagpalitan sa isa’t-isa, pagtipun-tipunin ang komong palagay, pasulungin ang kooperasyong panturista, ipagpatuloy ang pagkakaibigang Sino-Amerikano sa pamamagitan ng pagpapalitang tao-sa-tao, at bigyang-tulong ang pagpapatupad ng “San Francisco vision.”
Sa ilalim ng temang “Pagpapasulong ng Turismo sa Pagpapalitang Tao-sa-tao ng Tsina at Amerika,” binuksan sa Xi’an, lalawigang Shaanxi ang naturang summit.
Salin: Vera
Pulido: Rhio