Ayon sa opisyal na datos ng Tsina, umabot sa 17.5 trilyong yuan RMB ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng Tsina mula Enero hanggang Mayo 2024, at ito ay lumago ng 6.3% kumpara sa gayunding panahon ng tinalikdang taon.
Tinukoy ng mga banyagang media na gaya ng Reuters, na sa kabila ng restriksyon ng Amerika at Unyong Europeo (EU), ipinakikita ng paglampas sa inaasahang target ng kalakalang panlabas ng Tsina ang kapansin-pansing tagumpay ng mga kompanyang Tsino sa aktibong pagpapalawak ng merkado sa ibayong dagat, at napakalaking kakayahan ng kabuhayang Tsino sa pagbangon.
Kasabay nito, lumitaw rin ang tunguhin ng pagiging high-end, intelihente, at berde ng mga paninda ng Tsina.
Noong unang limang buwan ng 2024, tumaas ng 6.1% ang pagluluwas ng Tsina kumpara sa gayunding panahon ng tinalikdang taon, at kabilang dito, halos 60% ang proporsyon ng mga hay-tek na makina at produktong elektroniko na may mataas na added value.
Magkakahiwalay namang lumaki ng 100.1%, 26.3%, 17.8% at 25.5% ang pagluluwas ng bapor, sasakyang de-koryente, kagamitan sa bahay, at integradong sirkito, ayon sa pagkakasunud-sunod.
Ang kalakalang panlabas ay mahalagang bintana upang makita ang kabuhayan ng isang bansa.
Kasabay ng pagbuti ng kalakalang panlabas ng Tsina, magkakasunod na pinataas kamakailan ng mga pandaigdigang organong pinansyal na gaya ng International Monetary Fund (IMF), BNP Paribas, Bank of America at iba pa sa 5% ang taya sa paglago ng kabuhayang Tsino sa 2024.
Sanhi ng tuluy-tuloy na pagbangon at pagbuti, walang-tigil na nadaragdagan ang mga paborableng elemento sa pag-unlad ng kalakalang panlabas ng kabuhayang Tsino, at idudulot nito ang mas maraming benepisyo sa buong mundo.
Salin: Vera
Pulido: Rhio