Beijing — Dumalo hapon Hulyo 19, 2024 si Peng Liyuan, unang ginang ng Tsina, sa “Love in the Sunshine” summer camp ng mga kabataang Tsino at Aprikano.
Si Peng ay goodwill ambassador ng World Health Organization (WHO) para sa tuberculosis at HIV/AIDS, at espesyal na sugo ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) para sa pagpapasulong ng edukasyon ng mga batang babae at kababaihan.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Peng na ang summer camp na ito ay hindi lamang isang pagsasama-sama sa pagitan ng mga kabataang Tsino at Aprikano, kundi maging isang matingkad na paglalarawan ng pagiging malapit sa pagitan ng Tsina at Aprika. Sa landas ng paghahanap ng maganda at maligayang pamumuhay, palagiang magkahawak-kamay at puso sa puso, nagkakaunawan at sumusuporta sa isa’t isa ang mga mamamayang Tsino at Aprikano.
Ani Peng, bilang kasosyo sa landas ng pag-unlad ng Aprika, ang Tsina ay hindi lamang naggagarantiya ng malusog na paglaki ng mga kabataang Tsino, kundi nag-aambag din ng “puwersang Tsino” sa malusog na paglaki ng mga kabataang Aprikano.
Sinabi niya na palagiang magiging matapat na magkaibigan ang Tsina at Aprika. Umaasa aniya siyang magtatanim ang mga kalahok na kabataang Tsino at Aprikano ng mga binhi ng pagkakaibigang Sino-Aprikano sa kanilang mga puso upang maging mga kahalili ng tradisyonal na pagkakaibigang Sino-Aprikano at maging bagong puwersa sa pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at Aprika.
Sa panahon ng kaganapan, magkakasamang bumisita sina Peng, mga kabataang Tsino at Aprikano sa eksibisyon ng tradisyonal na kulturang Tsino.
Dumalo sa nasabing summer camp ang mga bata mula sa Timog Aprika, Namibia, Somalia, Uganda, Central African Republic at iba pang mga bansa, gayundin ang mga bata mula sa Yi autonomous prefecture ng Liangshan ng probinsyang Sichuan at lunsod Ruili ng probinsyang Yunnan sa timog-kanlurang ng Tsina.
Salin: Lito
Pulido: Ramil