Mga restriksyon sa banyagang pamumuhunan, ibayo pang paluluwagin ng Tsina; kalakalan ng serbisyo, pasusulungin

2024-08-20 15:32:05  CMG
Share with:

Pinanguluhan Lunes, Agosto 19, 2024 ni Premyer Li Qiang ng Tsina ang pulong ng Konseho ng Estado, kung saan sinuri at pinagtibay ang apat na dokumento, tinalakay ang mga hakbangin sa pagsuporta sa de-kalidad na pag-unlad ng inobatibong maliliit at katamtamang bahay-kalakal (SMEs), at inaprobahan ang limang proyekto ng nuclear power.

 

Kabilang sa nasabing apat na dokumento ay ang isang serye ng mga espesyal na hakbanging administratibo sa foreign investment access (2024 edisyon), o isang negatibong listahan.

 

Ayon sa nasabing listahan, ibayo pang paluluwagin ng Tsina ang mga restriksyon sa banyagang pamumuhunan, sa pamamagitan ng ganap na pag-aalis ng mga hadlang sa pagpasok sa sektor ng manupaktura, at pagpapabilis ng pagbubukas ng mga sektor na gaya ng telekomunikasyon, edukasyon at serbisyong pangkalusugan.

 

Ang isa pang dokumentong pinagtibay sa nasabing pulong ay isang serye ng mga tuntunin sa pagpapasulong sa de-kalidad na pag-unlad ng kalakalan ng serbisyo, sa pamamagitan ng pagbubukas sa mataas na lebel.

Ipinagdiinan din sa pulong na ang kaligtasan ay linya ng buhay ng pag-unlad ng nuclear power, kaya kailangang palakasin ang mga regulasyon sa kaligtasan, upang pasulungin ang pangmatagalan at malusog na pag-unlad ng industriya.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil