Kaugnay ng pagpapatibay kamakailan ng Mababang Kapulungan ng Amerika sa negatibong batas na may kinalaman sa Hong Kong, inihayag Miyerkules, Setyembre 11, 2024 ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina ang mariing kawalang kasiyahan at matatag na pagtutol ng panig Tsino sa manipulasyon ng panig Amerikano sa mga paksang may kinalaman sa Hong Kong, at paninikil sa pag-unlad ng Hong Kong.
Iniharap na aniya ng panig Tsino ang solemnang representasyon sa panig Amerikano.
Dagdag ni Mao, ang economic and trade office ay organong pangkabuhaya’t pangkalakalan ng pamahalaan ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR) sa ibayong dagat, at ang maalwang takbo nito ay makakatulong sa pagpapalakas ng pragmatikong kooperasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan ng HKSAR sa kaukulang bansa’t rehiyon.
Aniya, isinapulitika at ginawang kasangkapan ng nasabing batas ang normal na kooperasyon sa kabuhayan at kalakalan, at binahiran ng putik ang reputasyon ng mga organo ng Hong Kong sa ibayong dagat.
Napakasama ng ganitong kilos, at ito ay makakapinsala sa sariling kapakanan ng Amerika sa bandang huli, dagdag niya.
Hinimok niya ang panig Amerikano na itigil ang pagpapasulong sa nasabing batas, upang maiwasan ang mas malaking kapinsalaan sa katatagan at kaunlaran ng relasyong Sino-Amerikano.
Kung ipagpipilitan ng panig Amerikano, tiyak na isasagawa ng panig Tsino ang mabisang ganting hakbangin, dagdag ni Mao.
Salin: Vera
Pulido: Rhio