Tsina, buong tatag na gaganti kung ipapataw ng Amerika ang restriksyon sa visa

2024-06-04 14:38:29  CMG
Share with:

Inihayag Lunes, Hunyo 3, 2024 ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang mga usapin ng Hong Kong ay purong suliraning panloob ng Tsina, at hinding hindi pinahihintulutan ang pakikialam dito ng anumang banyagang puwersa.

 

Kung ipapataw ng panig Amerikano ang restriksyon sa visa ng mga opisyal ng pamahalaang sentral at pamahalaan ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR), buong tatag na gaganti ang Tsina, dagdag niya.

 


Saad ni Mao, sinasadyang inatake ng Amerika ang prinsipyo ng “Isang Bansa, Dalawang Sistema,” binahiran ang Batas sa Pangangalaga sa Pambansang Seguridad sa HKSAR, iresponsableng pinag-usapan ang demokrasya at kalayaan ng Hong Kong, nakialam sa mga suliraning hudisyal ng Hong Kong, at nagmalabis sa restriksyon sa visa.

 

Ang kaukulang aksyon aniya ay lantarang nakialam sa mga suliraning panloob ng Tsina, at lumabag sa pandaigdigang batas at pundamental na norma ng relasyong pandaigdig.

 

Inihayag ni Mao ang mariing kawalang-kasiyahan at buong tatag na pagtutol dito ng panig Tsino.

 

Tinukoy niyang ipinapatupad ng mga departamento ng pagpapatupad ng batas at hudikatura ang kani-kanilang tungkulin at pinaparusahan ang iba’t ibang uri ng mga aksyong nakakapinsala sa pambansang seguridad, alinsunod sa batas, kaya matatag na sinusuportahan ito ng pamahalaang sentral.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil