Matapos ang ilang beses na sanggunian, narating ng Tsina’t Hapon ang mga komong palagay hinggil sa isyu ng unilateral na pagtatapon ng nuklear na kontaminadong tubig sa dagat ng Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant.
Kabilang sa mga komong palagay ay mga sumusunod:
Una, ipinangako ng Hapon na aktuwal na isasakatuparan ang obligasyong pandaigdig, lubos na iiwasan ang negatibong epekto sa kalusugan ng tao’t kapaligiran, at patuloy na isasagawa ang pagtasa sa kapaligirang pandagat at ekolohiya ng dagat.
Ikalawa, tatanggapin ng Hapon ang pangmatagalang pandaigdigang pagmo-monitor sa ilalim ng balangkas ng International Atomic Energy Agency (IAEA), at igagarantiya ang mabisang paglahok dito ng mga kasangkot na bansang gaya ng Tsina, at independiyenteng pagsisiyasat ng naturang mga kasangkot na bansang tulad ng pagkugha ng sample at pag-aanalisa.
Ikatlo, sinang-ayunan ng Tsina at Hapon na patuloy na isasagawa ang konstruktibong diyalogo at maayos na pangangasiwa sa mga pagkabahala hinggil sa pagtatapon ng nuklear na kontaminadong tubig sa dagat.
Ikaapat, matapos simulan ang pangmatagalang pandaigdigang pagmomonitor at pagsasagawa ng independiyenteng pagsisiyasat ng mga kasangkot na bansa, sumang-ayon ang Tsina na unti-unting panunumbalikin ang pag-aangkat ng mga produktong pandagat mula sa Hapon, batay sa siyentipikong katotohanan.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio