Sa pagdalo, Setyembre 24, 2024 (lokal na oras) sa New York, Amerika ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina sa Mataas na Antas na Pulong ng United Nations Security Council (UNSC) sa Isyu ng Ukraine, sinabi niyang dapat pahalagahan ng lahat ng panig ang kapayapaan at kapakanan ng mga tao, at tunay na tumuon sa pagpapasulong ng pag-uusap at pagtutulungan.
Sa usapin ng Ukraine, kailangan aniyang maging tagapag-ayos ng mga hidwaan, tagapagtaguyod ng pagkakaunawaan sa kabila ng mga pagkakaiba, tagapangalaga ng magkasanib na seguridad, at tagabuo ng pangmatagalang kapayapaan ang UNSC.
Dagdag niya, seryosong sinabi ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na dapat igalang ang soberanya at teritoryal na integridad ng mga bansa, sundin ang mga layunin at prinsipyo ng Karta ng UN, pahalagahan ang mga makatuwirang alalahanin ng mga bansa, at suportahan ang lahat ng pagsisikap na nakakatulong sa mapayapang paglutas ng krisis.
Ito ang awtoritatibong posisyon at batayang prinsipyo ng Tsina sa isyu ng Ukraine, dagdag niya.
Salin: Yu Linrui
Pulido: Rhio