Sa kanilang pag-uusap sa telepono Martes, Oktubre 8, 2024, isinagawa nina Wang Wentao, Ministro ng Komersyo ng Tsina, at Gina Raimondo, Kalihim ng Komersyo ng Amerika ang matapat, malalim at pragmatikong pag-uugnayan kaugnay ng mga isyung pangkabuhaya’t pangkalakalan, batay sa mahahalagang komong palagay na narating ng mga lider Tsino’t Amerikano sa San Francisco.
Saad ni Wang, ang historikal na pagtatagpo ng mga lider ng Tsina at Amerika sa San Francisco noong nagdaang Nobyembre ay nagturo ng direksyon para sa pag-unlad ng relasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan ng kapuwa panig.
Aniya, ang relasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan ng Tsina at Amerika ay dapat maging tagapagbalanse ng bilateral na relasyon.
Batay sa paggagalangan, mapayapang pakikipamuhayan, at win-win na kooperasyon, nakahanda ang Tsina, kasama ng Amerika, na ipatupad ang nasabing mga komong palagay, at pasulungin ang muling pagbalik ng relasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan sa tumpak na landas, dagdag ni Wang.
Inihayag din ng ministrong Tsino ang solemnang pagkabahala sa polisya ng Amerika sa mga semikonduktor, at restriksyon sa mga de-kuryenteng sasakyan ng Tsina.
Hinihimok aniya ng panig Tsino ang panig Amerikano na pahalagahan ang konkretong alalahanin ng mga kompanyang Tsino, agarang alisin ang sangsyon laban sa mga kompanyang Tsino, at pabutihin ang kapaligirang pang-negosyo ng mga kompanyang Tsino sa Amerika.
Ang nasabing pag-uusap ay isang areglo sa ilalim ng mekanismo ng komunikasyon sa pagitan ng mga departamento ng komersyo ng dalawang bansa.
Salin: Vera
Pulido: Rhio