Hinggil sa “Exercise Malabar” na isinagawa ng mga hukbong pandagat ng Estados Unidos, Hapon, Indiya, at Australya sa Karagatang Indiyano, inihayag, Oktubre 15, 2024 ni Tagapagsalita Wu Qian ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na ang kooperasyong panseguridad ay hindi dapat makasama sa interes ng anumang ikatlong panig, o makasira sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Dagdag niya, ang tinatawag na mekanismo ng Quad ay isang ganap na pampulitikang kagamitan ng Estados Unidos upang pigilan ang Tsina at panatilihin ang hegemonya nito.
Ipinahayag din niya ang mariing pagtutol sa paglikha ng salungatan at pagpapalala ng tensyon sa rehiyon.
"Ang Asya-pasipiko ay dapat maging isang malaking entablado kung saan ang mga bansa ay nagkakaisa at nagtutulungan, sa halip na arena ng heopolitikal na tensyon, saad niya pa.
Diin ni Wu, kinakailangang talikuran ng mga kaugnay na bansa ang kanilang pagkamaka-sarili, zero-sum na kaisipan, at maglaan ng higit pang pagsisikap upang proteksyonan ang seguridad ng rehiyon.
Salin: Yan Shasha
Pulido: Rhio