Kaugnay ng pagdiriwang, Oktubre 16, 2024 ng Pandaigdigang Araw ng Pagkain, sinabi ni Tagapagsalita Mao Ning ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ipagpapatuloy ng kanyang bansa ang pagpapalakas ng kooperasyon sa lahat ng panig, sa usapin ng seguridad sa pagkain upang sama-samang makabuo ng isang mundong walang gutom.
Ani Mao, ang Tsina ang pinakamalaking prodyuser ng pagkain sa mundo, kaya mataas na nakakatugon ang bansa sa mga isyung may kaugnayan sa pandaigdigang seguridad sa pagkain.
Sa mga nakaraang taon, patuloy na nagbibigay ng agarang tulong ang Tsina sa mga bansang apektado ng mga likas na sakuna at humanitaryong krisis, dagdag niya.
Aktibo rin aniyang ibinabahagi ng Tsina ang karanasan at teknolohiya sa agrikultura, at tumutulong sa mga umuunlad na bansa na palakasin ang kanilang kapasidad sa produksyon ng pagkain.
Ang Tsina ay ang pinakamalaking tagapag-ambag ng pondo, tagapagpadala ng eksperto, at tagapagsagawa ng mga proyekto sa ilalim ng framework ng South-South Cooperation ng FAO, paliwanag ni Mao.
Salin: Yu Linrui
Pulido: Rhio