Sa imbitasyon ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina, sinimulan ngayong araw, Oktubre 18, 2024, ni David Lammy, Kalihim ng Ugnayang Panlabas at Pag-unlad ng Britanya, ang opisyal na pagdalaw sa Tsina.
Kaugnay nito, ipinahayag kahapon, ni Mao Ning, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na nakahanda ang Tsina na makipagtulungan sa Britanya para itaguyod ang katatagan at pangmatagalang pag-unlad ng relasyong Sino-Britaniko.
Sinabi niya, na ang pangmatagalan at matatag na pag-unlad ng relasyon sa pagitan ng dalawang bansa ay parehong interes ng magkabilang panig, at makakatulong din ito sa pagkakaisa ng internasyonal na komunidad sa pagtugon sa mga pandaigdigang hamon at pagtataguyod ng kapayapaan at pag-unlad ng daigdig.
Sinabi pa ni Mao na si Lammy ay ang unang ministro ng bagong gobyerno ng Britanya na bumisita sa Tsina. Tututukan aniya ng dalawang panig ang pagpapatupad ng mahalagang konsensus na narating ng mga pinuno ng dalawang bansa sa kanilang pag-uusap sa telepono noong Agosto, at magkakaroon ito ng malalimang komunikasyon sa pagpapahusay ng estratehikong tiwala sa isa't isa at pagpapalakas ng diyalogo at pagtutulungan sa iba't ibang larangan.
Salin: Zheng Yujia
Pulido: Ramin