Ipininid Sabado ng gabi, Oktubre 19, 2024, sa Carnegie Hall, New York, Estados Unidos ang Ika-7 China Now Music Festival.
Sa ilalim ng temang “Komposisyon para sa Kinabukasan,” mahigit 100 alagad ng musika mula sa Tsina’t Amerika ang nagtanghal sa katatapos na pestibal.
Sa kauna-unahang pagkakataon, itinampok dito ang mga musikang kinatha sa tulong ng teknolohiya ng Artipisyal na Intelihensya (AI).
Sa seremonya ng pagpipinid, itinanghal ng Bard College Conservatory of Music ng Amerika ang bagong obra ng Central Conservatory of Music (CCOM) ng Tsina, gamit ang mga instrumentong pangmusika ng Tsina at Kanluran.
Ipinalabas din ng mga alagad ng musika ng Tsina’t Amerika ang operang pinamagatang “Pitong Araw,” na kinatha ng Tsinong komposer na si Hao Weiya.
Nagbukas noong Oktubre 12, nagtipun-tipon sa pestibal ang limang henerasyon ng mga komposer at musikerong Tsino’t Amerikano na isinilang noong 1960s hanggang 2000s.
Si Cai Jindong, Konduktor habang sumasaludo sa mga musikerong Tsino sa pagbubukas ng Ika-7 China Now Music Festival sa Carnegie Hall, New York, Estados Unidos, Oktubre 12, 2024.
Sinabi ni Cai Jindong, Artistikong Direktor ng pestibal, na sa ika-21 siglo, ang musika na may elemento ng AI ay makakatawag ng pansin ng mas maraming kabataan.
Ipinagmamalaki rin niya ang pagsasama-sama ng parami nang paraming alagad ng sining mula sa Tsina’t Amerika sa pamamagitan ng pestibal na ito.
Ito ay magsusulong ng pagpapalitan at pagtutulungang pangkultura ng dalawang bansa, aniya pa.
Hinangaan naman ni Christine Walevska, siyelistang Amerikano ang papel ng pestibal sa pagpapasulong ng pagpapalitan at integrasyon ng mga musikang Tsino at Amerikano.
Aniya, dumalo siya sa bawat konsiyerto nitong 7 taong nakalipas, sapul nang magsimula ang pestibal.
“Nauunawaan ng lahat ang lingguwahe ng musika, at lalong kabigha-bighani ang musika kung may mga pinagsamang elementong Tsino at Kanluranin,” dagdag ni Walevska.
Nagsimula noong 2017, layon ng taunang China Now Music Festival na ilatag ang tulay pangkultura ng Tsina’t Amerika, sa pamamagitan ng mga konsiyerto at mga may kinalamang simposyum.
Salin/Patnugot: Jade
Larawan: Xinhua
Pulido: Rhio