Sa kanyang pakikipagtagpo Huwebes, Oktubre 31, 2024 sa Beijing kay Philémon Yang, dumadalaw na Presidente ng Ika-79 na Sesyon ng Pangkalahatang Asambleya ng United Nations (UNGA), inihayag ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina ang pag-asang igigiit ng UN ang tumpak na historikal na palagay, magiging makatarungang puwersa sa pangangalaga sa kapayapaan ng daigdig, at gagampanan ang namumunong papel sa maiinit na isyu.
Umaasa rin siyang igigiit ng UN ang tumpak na pananaw sa kaayusang pandaigdig, gaganap ng konstruktibong papel sa multilateralismo, at tututulan ang unilateralismo at hegemonismo.
Kasama ng UN, patitibayin ng Tsina ang awtorisadong katayuan ng UN sa pamamagitan ng aksyon, at igigiit ang tumpak na direksyon ng reporma sa pangangasiwang pandaidig, aniya pa.
Sinabi naman ni Yang, na ang Tsina ay matatag at konstruktibong puwersa sa mga suliraning pandaigdig, at patuloy’t matatag na susundin ng UN ang prinsipyong isang-Tsina.
Pinasalamatan din niya ang suporta ng Tsina sa UN nitong nakalipas na mahabang panahon.
Nananalig aniya siyang patuloy na gagampanan ng Tsina ang di-mababalewalang mahalagang papel sa pagpapatupad ng Pact for the Future, at pagpapasulong ng kooperasyon sa mga larangang gaya ng sustenableng pag-unlad, reporma sa sistemang pinansyal, artipisyal na intelehensiya, kabataan at iba pa.
Nagpalitan din ng kuru-kuro ang kapuwa panig sa mga isyung kinabibilangan ng reporma ng UN.
Salin: Vera
Pulido: Rhio