Nobyembre 6, 2024 sa lunsod Kunming, lalawigang Yunnan, dakong timog-kanluran ng Tsina – Sa kanyang pakikipagtagpo kay Masatsugu Asakawa, Presidente ng Asian Development Bank (ADB), ipinahayag ni Premyer Li Qiang ng Tsina, na kasama ng ADB, palalakasin ng panig Tsino ang kooperasyong pinansyal at pangkaalaman sa mga larangang gaya ng pagpawi ng kahirapan, didyital na ekonomiya, at berdeng pag-unlad.
Kalahok si Asakawa sa Ika-8 Greater Mekong Subregion (GMS) Summit na idinaraos sa Kunming mula Nobyembre 6 hanggang 7.
Kaugnay nito, sinabi ni Premyer Li Qiang na patuloy at aktibong lumalahok at kumakatig ang Tsina sa kooperasyong pangkabuhayan ng GMS, at kasama ng iba’t-ibang panig, pinasusulong ng bansa ang kasaganaan at kaunlaran ng GMS.
Ipinahayag naman ni Asakawa na masikap na pinasusulong ng ADB ang mas malakas at komprehensibong kooperasyon sa Tsina.
Patuloy aniyang kakatigan ng ADB ang de-kalidad na pag-unlad ng Tsina, at pabubutihin ang kooperasyon sa berdeng pag-unlad at inobasyon.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio/Lito